Pinayuhan ng pamunuan ng Pasay City Jail ang halos 1,000 bilanggo nito na mag-ingat sa kanilang kalusugan ngayong tag-init.
Upang makaiwas sa heat stroke, pinaalalahanan ang mga preso sa Pasay City Jail na maligo nang tatlong beses sa isang araw dahil tumitindi ang nararanasang init sa loob ng mga selda, lalo dahil siksikan na sa mga ito.
Ayon sa pamunuan ng piitan, umaabot na sa mahigit 900 ang nakapiit sa Pasay City Jail, doble sa 450 preso na kapasidad ng kulungan.
Tiniyak naman na regular na nililinis ang bawat selda upang maiwasan ang pagkalat ng sakit o epidemya.
(Bella Gamotea)