morales copy

Baguio City – Siniguro ni Jan Paul Morales na hindi magaganap ang inaasam na pang-aagaw ng karibal sa naihulmang titulo matapos dominahin ang ikalima at huling stage ng LBC Ronda Pilipinas Luzon leg kahapon sa Burnham Park.

“Para kay Ronald (Oranza) sana ang Stage Five kaya lang hindi siya makawala kaya noong makakita ako ng pagkakataon, kinuha ko na lang para siguradong hindi maaagaw,” pahayag ni Morales, kampeon din sa Mindanao Leg.

Halos nawalis muli ng 30-anyos mula Calumpang, Marikina ang lahat ng yugto sa Luzon leg nang napagwagian nito ang apat at tanging humulagpos sa mga kamay nito ang Stage Four na Dagupan to Baguio City road race na napagwagian ni Rustom Lim ng Team LBC/MVPSF.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Tangan ang bentahe sa overall standings, kailangan lamang ni Morales na tumapos sa ikalima para masungkit ang korona. Ngunit, higit pa ang kanyang ginawa sa last stage criterium race na napagwagihan niya sa tyempong isang oras, pitong minuto at 16.59 segundo.

“Ang plano ay bantayan na lamang sina Lim at Oconer pero nakita ko ang tyansa at dahil kundisyon naman ako kaya kinuha ko na lang ulit,” aniya.

Nakapagtipon si Morales ng kabuuang 67 general classification points matapos ang limang lap upang tuluyang iwan ang 45 iba pang karibal partikular sina LBC-MVP Sports Foundation’s Rustom Lim at George Oconer, na muling tumapos na ikalawa at ikatlo sa natipong 49 at 41 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Matatandaang napagwagian ni Morales ang Stage One sa Paseo de Sta. Rosa sa Laguna, Stage Two sa Talisay at Tagaytay at ang Stage Three sa Antipolo City bago kinumpleto sa panghuling panalo sa Stage Five. Dagdag pa sa napanalunan niya ang pagiging ASG Sprint King at Petron Local Hero.

Masayang tinawid ni Morales ang finish line at sinalubongsiya ng palakpakan ng crowd na nag-abang kabilang na si Baguio City Mayor Mauricio Dumogan.

Agad din siyang lumapit sa asawang si Leni at dalawang anak na sina Janel at Jan Paul, Jr.

“Sila ang mga inspirasyon ko,” sabi ni Morales, na iuuwi ang P50,000 sa pagiging kampeon sa yugto at dagdag pa na P80,000 sa kanyang apat na panalo sa Stage at pagiging ASG Sprint lead at Petron Local Hero na P28,000. (Angie Oredo)