NEW YORK (AP) - Limang taong gulang pa lang si Lady Gaga nang isulat ang una niyang awitin sa piano na binili para sa kanya ng kanyang lolo at lola. At ngayon, ang piano na ito ay ibebenta sa halagang $100,000 hanggang $200,000.
Ang piano ay iaalok sa Julien’s Auctions’ “Music Icons” memorabilia sale sa Hard Rock Cafe New York sa Mayo 21. Ang kalahati ng kikitain sa pagbebenta ng piano ay mapakikinabangan ng Born This Way Foundation, inilunsad ni Gaga noong 2012 para sa kabataan. Ilan sa mga isyung pinagtutuunan ng nasabing foundation ang bullying, poor body image, pagtanggap sa sarili, at pagiging matiyaga.
Ang Everett Piano Co. instrument ay naging tampok sa “Women Who Rock” exhibition noong 2011-2012, sa Rock and Roll Hall of Fame and Museum sa Cleveland.
Binili ng lolo at lola ni Gaga ang piano ng $780 noong 1966 at nagdesisyong ibigay sa kanyang mga magulang. Ang batang si Stefani Germanotta ay nagsimulang mag-piano lesson noong apat na taong gulang pa lamang, at sinulat ang una niyang awiting Dollar Bills at tinugtog sa nasabing piano.
“When Stefani started to crawl, she would use the leg of the piano to pull herself up and stand, and in doing so, her fingers would eventually land on the keys,” pagbabalik-tanaw ng kanyang ina, si Cynthia Germanotta. “She would stay there and just keep pressing the keys to hear the sound. We would then start to hold her up or sit on the bench and let her tinker.”
At noong siya ay 13 taong gulang pa lamang, binilhan si Lady Gaga ng kanyang magulang ng isang baby grand piano.
“Values continue to increase due to the collectability of Western pop culture globally,” ayon kay Darren Julien, may-ari ng Julien’s Auctions. “Rock ‘n’ roll memorabilia is the new art market.”
Kabilang din sa mga isusubasta ang mahigit 85 Elvis Presley items, kabilang ang custom-made 1969 Gibson Dove guitar na binuo ng ama ni Elvis para sa kanya.
Ang mga memorabilia mula sa singer-guitarist na si Stevie Ray Vaughan, at ni Kurt Cobain, ng The Beatles, nina Johnny Cash, Michael Jackson at iba pang music icon, ay ilan din sa mga isusubasta.