ANG huling 30 araw bago ang eleksiyon ay magsisimula ngayon, at ang lahat ng kandidato sa pagkapresidente at bise presidente ay pawang kumpiyansang mananalo sila. Dalawa sa mga kandidato sa pagkapangulo ang nagpahayag nang nangunguna sila sa mga poll survey, habang dalawang iba pa ang hindi nawawalan ng pag-asa sa tulong ng kani-kanilang nationwide organization at pondo. Ilang oras matapos ang halalan sa susunod na buwan, malalaman na natin kung ano ang mas mahalaga sa eleksiyon ngayong taon—ang kasikatan o ang tuluy-tuloy na pagpupursige.
Sa nakalipas na mga araw ay lumutang ang mga akusasyon tungkol sa mga pekeng survey na inilathala sa layuning lumikha ng “trend” pabor sa isang kandidato. Nakalulungkot na marami pa ring tao ang pumapanig lang sa inaasahang mananalo sa eleksiyon, kaya naman bumuboto sa kandidato na hinuhulaan nilang magwawagi.
Asahan na natin ang pagsusulputan ng mas marami pang resulta ng survey sa mga susunod na linggo. Ang ilan ay maayos at mahusay na isasagawa sa tulong ng wastong pagpili ng sample na kakatawan sa populasyon ng mga botante sa bansa, gayundin ng akmang mga salita sa survey questions, at ang tamang paraan ng pakikipanayam. Ngunit posible na mayroong mga survey na kaduda-duda ang sampling at paraan ng pakikipanayam. At mayroon ding “surveys” na sinadya upang suportahan ang pag-iisip ng isang kandidato o ng kanyang grupo.
Sa mga susunod na linggo, asahan na rin natin ang sangkatutak na negatibong publicity at lahat na marahil ng uri ng akusasyon ay ibabato, iimbestigahan, at ihahain. Maaaring magkaroon ng mga ulat ng mga grupo ng mga pinuno at botante na inabandona ang isang kandidato para lumipat sa iba. At, kung ang mga nakalipas na eleksiyon ang pagbabatayan, magkakaroon din ng mga patayan at iba pang klase ng karahasan.
Isang linggo bago ang Mayo 9, mamumudmod na rin ang mga organisasyong pulitikal—mga partido, lokal na opisyal at leader, alyansa at mga koneksiyong nabuo sa loob ng maraming taon—ng mga sample ballot upang gabayan ang mga tapat na miyembro at tagasunod nito. Sa kabila ng napakaraming pangungumbinse at apela na dapat na limiin at suriing mabuti ng mga botante ang mga plataporma ng kanyang iboboto, marami pa rin ang magpapasya sa paraang ito, bilang kasapi ng isang grupo na tumatalima sa payo ng kanilang leader.
Mayroong isang pinal na konsiderasyon—isang hindi inaasahang pangyayari—gaya ng pagpanaw ng isang mahalagang personalidad na magdudulot ng matinding simpatiya ng publiko at maaaring humakot ng boto. Kasabihan nang ang pagkakahahal bilang pangulo ng Pilipinas ay idinidikta ng kapalaran. Maging mapagmatyag tayong lahat sa eleksiyon sa susunod na buwan upang mabatid kung anong uri ng kapalaran ang tutukoy sa mananalo at huhulma sa magiging kasaysayan ng ating bansa sa susunod na anim na taon.