Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na ang nag-iisang vice presidential debate ay aagaw din ng kaparehong interes mula sa publiko gaya ng mga presidential debate.
“We hope many people will watch it as many as those that watched the presidential debates,” pahayag ni Comelec Spokesman James Jimenez sa isang panayam.
Aniya, ang VP debate ay isang “landmark occassion” dahil ito ang una at natatanging debate na idaraos para sa mga kandidato sa pagka-bise presidente
Hinimok ng poll official ang anim na kandidato para bise presidente na ipresinta ang kanilang pinakamagaling na plataporma at katangian sa kanilang paghaharap-harap sa Linggo.
“Now is the time to have them come out of their shadows and stand before the public as viable choices,” sabi ni Jimenez.
“A lot of them are always in the shadow of those running for president,” dagdag niya.
Inorganisa ng Comelec katuwang ang media partners nito, ang vice presidential debate ay gaganapin ngayong Linggo, Abril 10, sa University of Santo Tomas (UST) sa Manila.
Inaasahang dadalo sa debate sa UST Quadricentennial Pavilion dakong 5:00 ng hapon. ang lahat ng anim na umaasinta para maging pangalawang pangulo ng bansa -- sina Senators Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Bongbong Marcos, Antonio Trillanes at Gringo Honasan gayundin si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Sinusundan ng vice presidential debate ang unang dalawang presidential debate na ginanap sa Cagayan de Oro City noong Pebrero 21 at sa Cebu City nitong Marso 20.
Ang ikatlo at huling presidential debate ay gaganapin sa Abril 24 sa Dagupan City. (LESLIE ANN AQUINO)