Nalunod ang isang Pinoy parachutist matapos aksidenteng bumagsak sa tubig malapit sa Subic Bay Airport International Airport sa Zambales noong Huwebes ng hapon.
Nangyari ang insidente dakong 3:45 ng hapon habang ang 10 sundalong Pilipino, kabilang na ang biktima, ay nagsasagawa ng proficiency jump/static jump exercise, sinabi ni Philippine “Balikatan” public affairs office chief Capt. Celeste Frank Sayson.
Kasunod nito ay tumalon silang lahat mula sa C-130 cargo plane ng United States Air Force (USAF).
Ayon kay Sayson, ang biktima ay miyembro ng 710th Special Operations Wing ng Philippine Air Force.
Sa kanyang pagtalon, hinila ng hangin ang biktima at bumagsak sa tubig na may lalim na 30 talampakan malapit sa Subic Bay International Airport.
Nasagip ang biktima dakong 4:55 ng hapon ng Philippine at USAF rescue personnel at sinubukang i-revive at isinugod sa Unihealth Bay Point Hospital. Gayunman, dakong 5:55 ng hapon, ay idineklarang patay ng mga doktor ang sundalong Pinoy.
Tumanggi si Sayson na pangalanan ang nasawing sundalo dahil hindi pa ito naipapaalam sa kanyang pamilya.
“We withheld name of the Filipino soldier for his family’s concern, although Balikatan 2016 leadership is on the process of informing them. All details will follow as soon as we obtained it,” ani Sayson. (PNA)