Pinangunahan ng premyadong aktres na si Nora Aunor ang daan-daang raliyista na nagmartsa sa Mendiola, Maynila kahapon upang kondenahin ang marahas na pagbuwag sa barikada ng mahigit 5,000 magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato nitong Abril 1.
Nakibahagi si Aunor sa kilos-protesta na ikinasa ng mga militanteng grupo, tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Anakpawis, at Kilusang Mayo Uno (KMU).
Kasama ni Aunor na nagprotesta ang aktres at mang-aawit na si Monique Wilson, na nagmartsa mula sa Plaza Miranda patungo sa Mendiola.
Nanawagan si Aunor sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa madugong dispersal operation na magbitiw na sa kanilang puwesto.
Nagbitbit ang mga demonstrador ng mga placard na may katagang “Bigas Hindi Bala”, “Bigas Hindi Dahas”, at “Justice for Kidapawan deaths” sa kanilang pagmamartsa sa Mendiola.
Ikinadismaya ng mga demonstrador na hanggang ngayon ay walang umaako ng responsibilidad sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno kaugnay ng insidente, na tatlong magsasaka ang namatay habang mahigit 50 ang nasugatan.
(Argyll Cyrus B. Geducos)