MAY 86 taon na ang nakalipas simula nang ipatupad ng Pilipinas ang Revised Penal Code noong 1930, na pumalit sa Spanish Codigo Penal na ipinatutupad simula 1886. Panahon nang i-update ang antigong Code na ito, ayon kay dating Justice Secretary Leila de Lima at determinado siyang pangunahan ang matagal nang kinakailangang hakbanging ito sakaling palarin siyang maluklok bilang senador sa eleksiyon.
May pangangailangan upang mapalakas ang maraming legal na mekanismo, aniya—upang mapabilis ang pagresolba sa mga kasong kriminal na tanggap na sa labis na kabagalan, rebisahin ang mga legal na proseso na nakaaantala sa hustisya, at tanggalin ang mga legal na probisyon na ginagamit ng mga tiwaling opisyal upang protektahan ang kanilang sarili.
Binanggit niya ang kasalukuyang kaso ng $81-million scam na kinasasangkutan ng perang kinuha mula sa Bangladesh sa Federal Reserve Bank of New York, na $5.42 million ang naisauli na kamakailan ng casino junket operator sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Ngunit hindi pa ito maaaring mapasakamay ng gobyerno ng Bangladesh. Kailangan munang dumulog ang Anti-Money Laundering Council sa korte at maghain ng kasong forfeiture, dahil ito ang umiiral na batas.
Hindi pa rin nareresolba ang kaso ng Maguindanao massacre makalipas ang mahigit anim na taon dahil masyadong matagal ang mga pagdinig, partikular na dahil 197 ang akusado sa kaso. Naghain ang Department of Justice ng mga kaso laban sa maraming mambabatas sa mga kaso kaugnay ng pork barrel scam na kinasasangkutan ni Janet Lim Napoles, ngunit iilan lamang ang nakarating sa korte.
Ang pagrebisa sa Revised Penal Code ay isang malaking hakbangin at dapat na simulan ito sa Kongreso. Maraming krimen ang na hindi pa naitatala noong 1930 ang masasaklawan na ng batas na ito, gaya ng human trafficking at cybercrimes.
At maraming batas sa Code ang nagtataglay ng mga probisyon na sumasalamin sa kolonyal na nakalipas ng ating bansa; dapat nang alisin ang mga ito.
Bukod sa mga krimen, kailangan din ng mga batas na makatutugon sa mga partikular na pangangailangan ng kasalukuyang panahon, ayon kay De Lima. Kaya naman, aniya, tututukan niya ang karapatang pantao at ang pagtulong sa sektor ng mga pinakanangangailangan sa lipunan ng Pilipinas. At susuportahan at patatatagin niya ang sistema ng partido sa eleksiyon sa Pilipinas.
Tunay na maraming problema sa ating bansa ngayon na kailangang solusyunan, ang lahat ay nananawagan ng pagkilos ng bagong Kongreso at administrasyon. Inilahad na ni Secretary De Lima ang mga larangan na nais niyang pagtuunan ng atensiyon sakaling maluklok siya sa Senado. Susubaybayan at susuportahan ng maraming sektor ang kanyang mga pagsisikap, dahil gaya niya, matagal na rin nilang batid ang pangangailangan sa reporma sa ating sistemang legal at hudikatura.