MANGILAN-NGILAN na lamang na beterano sa digmaang pandaigdig ang nakadadalo sa selebrasyon sa paggunita ng Araw ng Kagitingan. Katulad ngayon, dapat lamang asahan ang kanilang pagliban sa makasaysayang okasyon na ipagdiriwang sa Mt. Samat sa Bataan; marubdob ang kanilang hangaring makiisa sa paggunita ng kanilang pakikipagsapalaran sa pagtatanggol ng kasarinlan ng Pilipinas. Dangan nga lamang at hindi na sila gaanong malakas dahil sa kanilang katandaan at taglay na mga karamdaman; halos lahat sa ating mga beterano ay pawang mga nonagenarian na o mahigit 90-anyos na.

Isang malaking kawalan ng pagpapahalaga kung hindi natin dadakilain ang pamumuhunan ng buhay at dugo ng ating mga beterano. Kabilang na rito ang iba pang mga kawal na nakipaglaban sa mga dayuhang mananakop. Naririyan pa rin sila, yaong mga pinalad na makaligtas sa nakakikilabot na Death March – ang tinaguriang martsa ng kamatayan mula sa Bataan hanggang sa Capas, Tarlac. Hindi ba’t ganito rin ang kagitingang pinatunayan ng SAF 44? Sa kabila ng lahat ng panganib, ipinamalas nila ang kabayanihang ginamitan ng bala at baril at iba pang armas na pandigma sa pagtatanggol sa ating kalayaan.

Makabagong kabayanihan naman ang ipinamamalas ng ating overseas Filipino workers (OFWs), mga magsasaka at iba pang sektor ng mga manggagawa. Silang lahat ay binansagan nating mga buhay na bayani ng lipunan. Wala silang mga armas na pamuksa sa pakikipagsapalaran alang-alang sa kaunlaran ng bansa.

Ang mga OFWs, halimbawa, ni minsan ay hindi sumagip sa nakalugmok ng ekonomiya at iba pang anyo ng pagdarahop. Ang kanilang milyun-milyong dolyar na ipinadadala sa bansa ay nakatulong nang malaki sa mga kaunlarang pangkabuhayan na hindi magagampanang mag-isa ng administrasyon. Katunayan, pati ang nakalipas na mga liderato ay nakinabang din sa mga pagsisikap ng milyun-milyong OFWs na namamasukan sa iba’t ibang bansa sa mundo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isa ring naiibang kabayanihan ang ipinamamalas ng ating mga magsasaka na tinaguriang mga “gulugod ng bansa” o backbone of the nation. Sila ang susi sa pagkakaroon ng sapat na aning palay at iba pang produkto sa bukid.

Nakalulungkot nga lamang at hindi ganap na natutustusan ng gobyerno ang kanilang mga pangangailangan upang lalong umunlad ang pagsasaka. At lalong nakalulungkot na sila pa ang madalas na maging biktima ng karahasan, tulad ng nangyari sa Kidapawan.

Dapat paigtingin ng susunod na administrasyon ang makabagong kabayanihan. (Celo Lagmay)