Baguio City – Pinutol ni Rustom Lim ng Team LBC/MVPSF ang ratsada ni overall leader Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance matapos dominahin ang Stage Four road race kahapon dito.
Binagtas ni Lim, isa sa nakaabang para maagaw ang liderato kay Morales, ang kahabaan ng kalsada mula Dagupan City hanggang Baguio para makopo ang 94 kilometrong karera sa tiyempong dalawang oras, 48 minuto at 16.99 segundo at maagaw ang eksena mula sa tatlong sunod na pagwawagi ni Morales.
“Ramdam ko po na mananalo ako ngayon dahil nasa pinakamaganda akong kundisyon,” sambit ni Lim.
Pangalawa lamang sina Navymen El Joshua Carino (2:49:43.84) at Lloyd Lucien Reynante (2:49:45.78) at pang-apat na dumating sa finish line si George Luis Oconer ng LBC (2:50:45.11).
Pumuwesto lamang si Morales sa ikalima (2:51:54.46), habang kinumpleto ang top 10 finisher nina Jhon Mark Camingao (2:53:06.36), Ronald Lomotos (2:54:07.17), Ronald Oranza (2:58:37.37), Ronnilan Quita (2:58:37.65) at si Julius Mark Bonzo (2:58:49.04).
Huling nagwagi ng stage race si Lim sa Stage 5 ng Visayas Leg para makuha ang ikalawang panalo ng Team LBC sa 14 na yugto sa binagong format ng pinakamalaking karera ng bisekleta sa bansa.
Dahil sa panalo, nakamit ni Lim ang nakatayang 15 puntos na naglapit sa kanya sa anim na puntos para sa tsansang maagaw ang titulo sa Mindanao Leg champion na si Morales. Nanatili sa overall si Morales sa natipong 52 puntos habang nasa likuran si Lim na may kabuuang 44 puntos sa overall.
“Sinubok ko muna na kumawala tapos noong hindi sila sumunod sa akin ay idiniretso ko na,” sabi ni Lim.
Nahulog sa ikatlong puwesto ang dating ikalawa na si Oconer (40) habang ikaapat si Camingao (31). Nasa ikalima si Carino (23), ikaanim si Lomotos (21), ikapito si Reynante (19), ikawalo si Joel Calderon (16), ikasiyam si Quita (15) at ikasampu si Rudy Roque (14).
Nakamit naman ni Reynante ang King of the Mountain (polka dot jersey) pati na rin ang puntos sa Sprint King.
Huling pagkakataon ni Lim na maagaw ang korona sa ikalima at panghuling yugto ng karera na criterium na iikot lamang sa kabuuang 2.70 kilometrong lugar sa paligid ng Burnham Park. (Angie Oredo)