SA kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, ang ika-9 ng Abril ay isang pulang araw sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ang Araw ng Kagitingan. Ang pagpapakita ng tapang at giting ng mga Pilipino kasama ng mga kawal-Amerikano sa pagtatanggol sa Bataan noong ikalawang digmaang pandaigdig laban sa mga sundalong Hapon. At sa kalendaryo naman ng Simbahan, ang ika-9 ng Abril ay pagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Maria Jacobe (Mary of Cleopas).

Ipinagdiriwang ng mga paring passionist at Latin sa Palestina. Isa si Sta. Maria Jacobe sa tatlong Maria na matapat na tagasunod ni Kristo mula sa Galilea hanggang Jerusalem. Ang dalawa pang Maria ay sina Sta. Maria Magdalena at Sta. Maria Salome. Si Sta. Maria Jacobe ang maybahay ni Cleophas, kapatid ni San Jose na esposo ng Mahal na Birheng Maria. Ang pangalan niyang Maria ni Cleopas ay naugnay nang higit sa kanyang kilalang anak na unang Obispo ng Jerusalem na si “St. James the Less” o Jacobus Minor. Ang MARIA JACOBE ay daglat ng taguring Mariang ina ni Jacobus.

Si Sta. Maria Jacobe ay ang babaeng kasama ni Sta. Maria Magdalena nang dalawin nila ang libingan ni Kristo noong Linggo ng Pagkabuhay. Tuwing Semana Santa, ang imahen ni Sta. Maria Jacobe ay kasama sa prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo, at Pasko ng Pagkabuhay.

Sa Angono, Rizal, ang imahen ni Sta. Maria Jacobe ay mahigit 200 taon na. Nasa pangangalaga ito ng angkan ng Pugo na kabilang ang inyong lingkod sa nasabing bayan sa Rizal. Ang imahen ni Sta. Maria Jacobe ay namana nina Deogracias Bautista at Demetria Vitor sa kanilang mga magulang. Nang yumao ang mag-asawang Deogracis at Demetria, ipinamana ang imahen ni Sta. Maria Jacobe sa kanilang pitong anak. Nang mamamatay ang pitong anak, ipinamana sa mga apo at sila na ang nag-alaga at nag-ingat sa imahen. Tuwing Huwebes Santo, si Sta. Maria Jacobe, ay ipinaghahanda at ang nasabing araw ang parang reunion ng angkan ng Pugo. Ang pamilya ng pitong anak ay may kanya-kanyang ulam na pinagsasaluhan ng angkan ng Pugo matapos ang Rosario Cantada para kay Sta. Maria Jacobe sa bahay ng pinaka-hermano. At tuwing Marso 31 hanggang Abril 8, nagsasagawa ng siyam na araw na nobena ang angkan ng Pugo at iba pang deboto ni Sta. Maria Jacobe.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa hangaring mapagbuklod ang angkan ng Pugo, napagkasunduan ng angkan na gumawa ng isang aklat at ilagay doon ang kasaysayan ni Sta. MariaJacobe. Ang pagkakagawa ng aklat ay ang bunga ng sama-samang talino at kakayahan ng angkan.

Ito ay may pamagat na “Santa Maria Jacobe, Marilag na Buklod ng Angkan ng Pugo”. Ang mga titik ng Dalit ay sinulat ni Gng. Leonor Bautista Samson, isang retired public school principal at manunulat. Ang naglapat naman ng musika ay si Propesor Nonoy V. Diestro na. At ang lyrics naman ng dalawang awit ay sinulat ng inyong lingkod.

(Clemen Bautista)