Umapela ang vice presidentiable na si Naga Rep. Leni Robredo sa gobyerno na mas tutukan ang tunay na dahilan ng protestang isinagawa ng mga magsasaka na nauwi sa karahasan sa Kidapawan City, North Cotabato, nitong Abril 1.

Ayon kay Robredo, sa halip na magturuan kung sino ang may pananagutan sa madugong insidente ay mas mahalagang unahin ang pangangailangan ng mga magsasaka.

“Ang pinakabuod na problema ay marami na tayong kababayan sa Mindanao at malamang sa iba pang mga lugar ng bayan, na naghihirap at nagugutom dahil sa El Niño. Hinihingi natin sa ating pamahalaan na agad-agad tukuyin ang mga lugar na ito at hanapan ng solusyon, tulad ng pagpapadala ng bigas at relief goods, cloud seeding at sa nangangailangan pa, ang irigasyon,” ani Robredo.

Si Robredo ay dating bahagi ng non-government group na SALIGAN o Sentro ng Alternatibong Lingap Panlegal na nagbigay ng libreng legal assistance sa Sumilao Farmers na nagmartsa patungo sa Metro Manila mula sa Mindanao para hilinging pigilan na ma-convert sa hog farm ang 147-ektaryang lupain sa kanilang lugar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naging matagumpay ang legal na laban ng mga nasabing magsasaka katuwang ang SALIGAN na kinabibilangan ni Robredo makaraang ipawalang-bisa ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang conversion order sa lupain na naging dahilan para maibalik ang land ownership sa 55 miyembro ng Higaonon tribe farmers o Sumilao farmer.

Determinado si Robredo na bitbitin at ilaban sa pagpasok niya sa pulitika at pagsabak sa vice presidential race ang mga magsasaka para maituloy ang nasimulan nila ng kanyang asawa na si yumaong Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo. (Mary Ann Santiago)