Binatikos ni Senate Majority Leader Alan Peter S. Cayetano ang administrasyong Aquino sa kabiguan umano nitong maglaan ng P45 bilyon mula sa 2015 P3 trillion national budget para sa mga magsasaka na malubhang naapektuhan ng El Niño.
Sa kabila ng pahayag ng Malacañang na walang katotohanan ang alegasyon na hindi naglabas ng pondo para sa epekto ng El Nino, iginiit ni Cayetano na nagsisinungaling ang gobyernong Aquino hinggil sa pondo na dapat ay inilaan sa mga magsasaka.
“Governor Mendoza, who happens to be a Liberal Party (LP) member, told us herself during the hearing that their local government wrote a letter to the national government to ask for assistance, but nothing came,” pahayag ni Cayetano, habang tinutukoy si North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza.
“Tama na ang palusot at pagsisinungaling. We actually have P45 billion worth of funds in the 2016 budget that may be used for projects that will curb the impact of this crisis. Kung determinado ang Palasyo na resolbahin ito, magagawa nila. Pero bakit kailangan pang sumulat ng lokal na pamahalaan? Bakit maraming magsasaka pa rin ang patuloy na nagugutom at naghihirap,” dagdag niya.
Kung agad na inaksiyunan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng mahabang panahon ng tag-tuyot, sinabi ni Cayetano na hindi sana mangyayari ang madugong dispersal sa Kidapawan City, na tatlong nagpoprotestang magsasaka ang namatay habang mahigit 50 iba pa ang sugatan.
“Pero iniwan ng Palasyo ang mga magsasaka ng Kidapawan. Iniwan nito ang North Cotabato,” banat ni Cayetano.
Partikular na dinikdik ni Cayetano ang hindi pagsipot ni Agriculture Secretary Proceso Alcala sa pagdinig ng Senado hinggil sa P45-bilyon pondo. (MARIO CASAYURAN)