BANGUED, Abra – Nagsampa ang Abra Police Provincial Office ng kasong murder laban sa isang bise alkalde at sa apat na kasamahan nito kaugnay ng pamamaril nitong Marso 31 na ikinamatay ng driver na tagasuporta ng kalaban nitong partido pulitikal, sa Tineg, Abra.
Abril 5 nang kinasuhan ng murder at attempted Murder sa Abra Provincial Prosecutor’s Office si Tineg Vice Mayor Edwin Crisologo, Sr. at mga kasamahan niyang sina Vincent Diggay, Ricky Latawan, Jerry Mabanag, at Joselito Aglibot.
Ang pagsasampa ng pulisya ng kaso ay base sa reklamong inihain ng pamilya ng napatay na si Gaboy Meoag, 56, tubong Barangay Lapat Balantay, Tineg, at nakatira sa karatig-bayan na Lacub.
Batay sa imbestigasyon, dakong 10:00 ng umaga nitong Marso 31 at sakay si Meoag, kasama si Nathaniel Guyo, 28, kandidato para Sangguniang Bayan Member ng Tineg; kapartidong si Cromwell Luna; at sina Israel Parado, 20; Jessalyn Leyad, 20; Sharmaine Daquiwag, 20, pawang estudyante, sa itim na Ford Ranger (ZHE-618) na minamaneho ni Jeffrey Pizarro mula sa Bangued patungong Upper Tineg.
Dakong 11:45 ng umaga nang dumaan ang grupo sa harapan ng Tineg Multi Purpose Hall at nakita nila ang bise alkalde kasama si Mayor Corinthia Crisologo, at ang apat na akusado.
Maliban sa alkalde, nagsisikay umano ang grupo ng bise alkalde sa gray na Toyota Hi-Lux (ZLP-756) at sinundan ang sasakyan ng mga biktima hanggang sa pagbabarilin pagsapit sa junction ng Sitio Tapayen.
Nawalan umano ng kontrol ang Ranger hanggang sa dumiretso sa ilog at nang huminto ay nagpulasan patakas ang mga biktima maliban kay Meoag, na nilapitan umano ng mga suspek at pinagbabaril.
Abril 1 nang ma-rescue ang mga kasama ni Meoag.
Nilinaw naman ng pulisya na walang kaugnayan sa eleksiyon ang insidente, batay sa redefinition ng election-related incident. (Rizaldy Comanda)