Nagbabalik ang porma at tikas ni Southeast Asian long jump queen Marestella Torres-Sunang.
At kung walang magiging aberya sa kanyang paghahanda, kabilang siya sa maiksing listahan para maipadala sa Rio Olympics sa Agosto.
Pinatunayan ng 35-anyos na ina na hindi pa kinakalawang ang kanyang talento nang pagbidahan ang paborito niyang event sa nailistang 6.6 metro kahapon sa 2016 Ayala Corp.-Philippine National Open Invitational Athletics Championships, sa Philsports oval sa Pasig City.
Kinapos lamang ng .4 metro si Torres para makamit ang Olympic qualifying standard tungo sa gintong medalya sa women’s long jump, isa sa 20 final event na nakataya sa tatlong araw na torneo.
“This is a good start. Nakuha nang paunti-unti,” sambit ni Torres.
“Sa next competition, paghahandaan ko pang mabuti,” aniya.
Kabilang si Torres sa Philippine delegation na sasabak sa Singapore Open sa huling linggo ng Abril kung saan targey niyang makuha ang Olympic standard na 6.70 metro.
Naging masalimuot ang hataw ni Torres sa unang apat na talon, bago nakuha ang panalo sa ikalimang pagtatangka kontra kina Malaysian Noor Shahidurin Nadia Mohd Zooki at Kirthana Ramamasamy.
Kinapos din ng 5 cms. ang 20-anyos na si Mohd Zooki (6.24 metro) para mapantayan ang Malaysian national record na 6.29 metro.
“I’m very happy with my distance,” pahayag ni Mohd Zooki, kinakalinga ng pamosong Russian coach na si Viktor Sotkinov.
Nailista naman ni Ramamasamy ang layong 5.8 metro para sa bronze medal sa torneo na itinataguyod ng Ayala Corp., sa pakikipagtulungan ng Milo Nutri-up, Philippine Sports Commission, Foton Philippines, PCSO, Summit Natural Drinking Water, Appeton, Asics Watch, at L TimeStudio.
Nakopo naman ni reigning UAAP champion Angel Carino ang gintong medalya sa girls long jump sa layong 5.62 metro, kasunod sina University of Santo Tomas Alyssa Andrade at Mary Diesto sa layong 5.38 at 5.36 metro, ayon sa pagkakasunod.
Naungusan naman ni Army standout Richard Salano ang karibal na si Rafael Poliquit sa huling 300 metro tungo sa panalo sa men’s 5000-meter run sa tiyempong 15 minuto at 32.2 segundo.
Nagbida naman sa boys class si Fernando Reyes (17:08.1) kontra kay Marven Realda.
Tinapos naman ng Far Eastern University bet na sina Joida Gagnao at Catherine Bristol ang 1-2 posisyon sa women’s 3,000 meter steeplechase sa oras na 11:53.7 at 12:34.4.
Nakamit naman ni FEU’s Joneza Mie Sustituedo ang gintong medalya sa girls’ side sa tyempong 12:34.3.
Tulad ng inaasahan, napagwagihan ni National standout Francis Edward Obiena ng Chiang Kai Shek ang ginto sa boys’ pole vault sa taas na 4.0 metro, kasunod sina Runrio’s Roi Saragena at San Sebastian’s Jon Emmanuel Reyes.
Nakasungkit naman ang Koreana na si Hey Lim Jo sa wom en’s discuss throw sa layong 48.15 metro kontra kina Air Force-LTSA na si Reah Joy Sumagpong (41.50) at Vanessa Baguiwet ng Ateneo (34.82). (MARIVIC AWITAN)