KASONG kriminal ang kinakaharap nina ex-PNP Chief Director General Alan Purisima at ex-PNP Special Action Force (SAF) Chief Director Getulio Napeñas dahil sa naging papel (role) nila sa Mamasapano (Maguindanao) incident na ikinamatay ng 44 na elite SAF commando noong Enero 25,2015. Pormal silang ipinagharap ng sakdal ng babaeng may “bayag” na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Ayon sa mga imbestigador ng Office of the Ombudsman, sina Purisima at Napeñas ay dapat managot sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices at usurpation of authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code. Batay sa mga reklamo na inihain ng Office of the Ombudsman’s Field Investigation Office (FIO), si Purisima ay dapat kasuhan dahil sa pag-usurp ng official functions at paglabag sa chain of command dahil sa aktibong paglahok sa mission planning at implementasyon ng Oplan Exodus kahit siya ay suspendido noon.

Badya ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Eh papaano si PNoy? Siya ang Punong Ehekutibo at natagpuang ‘ultimately responsible’ ng Senate committee ni Sen. Grace Poe?” Tugon ni Tata Berto: “Itanong sa buwan o kaya’y itanong sa babaeng may ‘bayag’ kung bakit hindi isinama si PNoynoy, este PNoy.” Sabad ni senior-jogger: “’Di ba’t ganyan din ang nangyari sa iskandalo at anomalya sa MRT-3? Hindi isinama sa kaso sina Mar Roxas at DOTC Sec. Joseph Abaya at ang idiniin ay si ex-MRT-3 chief Al Vitangcol?” Oo nga pala, si Roxas ay dati ring DOTC Sec. at Abaya ay kapwa mga alyado ni PNoy.

Si Napeñas naman ay kinasuhan dahil itinuring siyang kasabwat ni Purisima bunsod ng pagtanggap at pagsunod sa mga utos ng suspendidong pinuno gayong ang tumatayong pinuno noon ng PNP na dapat makabatid ng Oplan Exodus ay si ex-PNP Officer-in-Charge Deputy Director General Leonardo Espina. Iniwang nakatanga sina Espina at Roxas tungkol sa operasyon. Ang mga reklamo sa iba pang opisyal na sangkot sa palpak na operasyon ay idinismis ng Ombudsman. Buwenas sina Fernando Mendez, Noli Talino, Richard dela Rosa, Edgar Monsalve, Abraham Agbayari, Raymund Agustin Train, Michael John Mangahis, Rey Arino, at Recaredo Marasigan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang naganap na blackout sa NAIA Terminal 3 ay tiyak umanong bad luck kay ex-DILG Sec. Roxas, kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party. Libu-libong pasahero ang na-stranded, nagutom, pinawisan, nahuli sa connecting flights. Apat na biyaheng internasyonal at 83 domestic flights ang nakansela dahil hindi gumana ang gensets (generators set) ng paliparan na kulang sa maintenance. Nabalot ng “kadiliman” ang Terminal 3 kung kaya lalong tumindi ang titulong “worst airport” ang NAIA. Sabi raw ni Roxas: “Heads must roll.” Well, Mr. Roxas, sabihin mo ito kay PNoy dahil ang mga ulong gugulong dito ay pawang appointed ni PNoy, sina Abaya at MIAA General Manager Jose Angel Honrado. Kaya mo ba?

Talaga bang mataas pa ang pagtitiwala (trust ratings) ng mga Pinoy kay PNoy batay sa huling survey ng False Asia, este Pulse Asia? O, ang survey na ito ay isang pekeng survey na baka raw “binayaran” upang palabasin na sikat pa rin ang Pangulo hanggang sa huling sandali ng kanyang termino? (Bert de Guzman)