MALI ang pagtantya sa pinakamalalakas na buhos ng ulan sa ika-20 siglo kaugnay ng global warming, ayon sa isang pag-aaral, na nagdulot ng pagdududa sa mga paraang ginagamit sa pagtukoy sa paglubha ng kalamidad.

Sa malawakang pagbusisi sa datos ng buhos ng ulan sa Northern Hemisphere sa nakalipas na 1,200 taon, natukoy na noon pa man ay may mas dramatikong wet-dry weather extremes na, noong mababa pa ang pandaigdigang temperatura bago pa simulan ng sangkatauhan ang pag-iinit ng mundo sa tulong ng fossil fuel.

Malaking problema ito, ayon sa pag-aaral na nalathala sa journal na Nature, dahil ang kaparehong data models na ginamit sa pagtantya sa global warming habang itinatala ang pinakamalalakas na buhos ng ulan noong 1900s, ay ang pangunahing batayan sa mga dapat asahan sa klima sa hinaharap.

“It might be more difficult than often assumed to project into the future,” sinabi ng pangunahing awtor ng pag-aral, si Fredrik Ljungqvist ng Stockholm University, sa Agencé France Presse, tungkol sa mga tuklas. “The truth can be much, much more complicated.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Katwiran ng climate science panel ng United Nations, ang pinag-isang awtoridad, ang mga tuyong lugar ay higit na matutuyo at ang mga madalas ulanin ay mas uulanin pa dahil patuloy ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura kasabay ng pagkapal ng greenhouse gas emissions.

Ngunit tinukoy sa bagong pag-aaral na ang napakataas na temperatura noong ika-20 siglo ay hindi direktang nangangahulugan na naitala na ang pinakamatitinding wet at dry weather, gaya ng inaasahan ng marami.

Nangangahulugan ito na “much of the change is not only driven by temperature, but some internal, more random variability,” paliwanag ni Ljungqvist. “It’s therefore very, very hard also to predict (precipitation extremes) with models.”

Sa buong panahon ng pag-aaral, natunton ang pinakamatinding tagtuyot noong ika-12 siglo, habang malamig naman ang panahon noong ika-15 siglo, ayon sa siyentista.

Para sa pag-aaral, isang grupo ng mga eskperto sa kasaysayan, klima, geology, at mathematics, ang kumalap ng mga datos ng tagtuyot at malakas na ulan mula sa Europe, North Asia at North America, at binuo ang 12 siglo ng “water history”.

Ikinonsidera nila ang mga geologically preserved na ebidensiya ng agos ng ilog, sukat ng tubig sa lawa, mga namuong bato sa karagatan, ang bilog na markang nakapalibot sa punongkahoy, at mga tala ng kasaysayan.

Ang mga pagkakaibang ito “certainly adds fuel to the fiery debate” sa kaugnayan ng pag-iinit ng mundo at pagtindi ng buhos ng ulan, saad sa komento ni Matthew Kirby, ng Department of Geological Sciences ng California State University, na inilathala ng Nature.

“Do their results invalidate current predictive models? Certainly not. But they do highlight a big challenge for climate modellers, and present major research opportunities both for modellers and climate scientists,” komento ni Kirby. (Agencé France Presse)