Minura ng presidentiable na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte si North Cotabato Governor Emmylou “Lala” Mendoza, matapos sabihin ng huli na nainsulto ang mga residente ng North Cotabato sa panghihimasok ng mga militanteng grupo sa problema sa El Niño sa lalawigan.
Sinabi rin ni Mendoza na “publicity stunt” lamang daw ang pagbibigay ng bigas ng ilang pulitiko at ginawa lamang ito pagkatapos sumiklab ang gulo sa protesta.
Lumalabas sa mga ulat na nag-organisa umano ang mga makakaliwang grupo at si dating North Cotabato Governor Emmanuel Pinol, isa sa kilalang backer ni Duterte, ng demonstrasyon ng mga magsasaka na nauwi sa madugong dispersal operation nitong Abril 1.
Pagkatapos ng insidente ay biglang umeksena ang aktor na si Robin Padilla, tagasuporta ni Duterte, na may bitbit na mga sako ng bigas bilang donasyon sa mga magsasaka.
“May gusto akong sabihin kay Lala, ****ina mo, wala akong pakialam diyan, l*** ka,” sabi ni Duterte sa panayam ng media.
Itinanggi ng PDP Laban standard bearer na may kinalaman siya sa pagbuo ng protesta, ngunit inamin na nasa Kidapawan sina Pinol at Padilla. (Beth Camia)