Nagkakasakit na ang mga residente ng Zamboanga City bunsod ng matinding krisis sa tubig sa lungsod bunga ng El Niño phenomenon.

Iniulat ng mga lokal na ospital na tumaas ang bilang ng pasyenteng natatanggap nila na nagrereklamo ng pananakit ng tiyan at pagtatae

Ang Zamboanga City Medical Center (ZCMC) ay nakapagtala ng halos 30 kaso ng diarrhea, karamihan sa mga ito ay bata mula sa mahihirap na pamayanan sa lungsod.

Sinabi ni City Health Officer Dr Rodel Agbulos na humingi na ng tulong sa lokal na pamahalaan ang ilang ospital dahil sa pagdagsa ng mga pasyenteng kailangang gamutin sa diarrhea at loose bowel movement (LBM).

Probinsya

Kolehiyalang nanlaban umano sa 'rapist,' patay matapos pagsasaksakin

Ayon sa pasyenteng si Louie Belarmino, maaaring naging sanhi ng pananakit ng kanyang tiyan at pagtatae ang kawalan ng malinis na inuming tubig.

Sinabi niya na maraming bata sa kanilang lugar sa Upper Calarian ang nagkaroon din ng LBM ngunit hindi na nagpapaospital dahil walang pera.

Sinabi ng mga opisyal ng kalusugan, na dahil sa krisis sa tubig ng lungsod, nasasakripisyo ang kalinisan at napipilitan ang mga tao na uminom ng hindi ligtas na tubig na posibleng nagiging dahilan ng kanilang pagkakasakit.

Araw-araw ay libu-libong lokal na residente ang makikitang pumipila sa mga water refilling station para makakuha ng tubig.

Habang ang mga mayroong tubig sa gripo ay puspusan ang pag-iimbak sa mga timba, palanggana at iba pang lagayan.

Napag-alaman na karamihan ng mga pasyente ng diarrhea at LBM ay mga bata na mahina sa krisis.

Pinayuhan ni Agbulos ang mga consumer na pakuluang mabuti ang tubig bago inumin. (NONOY E. LACSON)