Binatikos ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay ang katunggali niyang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa isinusulong nitong “kamay na bakal” sa pagsugpo sa kriminalidad sakaling palarin ang alkalde na maupo sa Malacañang.

“Iyong sinasabi ng isang kandidato na six months, kahit ilang taon pa ho iyon hindi po maso-solve ‘yun [thru extra-judicial killing],” pahayag ni Binay sa panayam sa radyo.

“Extra-judicial killing batay pa sa suspicion lang. Kapag napagtsismisan ka, iyong papatay sa iyo na taong gobyerno ay naniniwala, papatayin ka na agad,”dagdag ng bise presidente.

Ang pahayag ni Binay ay bilang reaksiyon sa pangako ni Duterte na “buburahin” nito sa lipunan ang mga rapist, drug pusher at magnanakaw sa gobyerno sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ng kanyang panunungkulan bilang presidente.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Hinamon din ni Binay si Duterte na huwag idamay ang mga inosenteng kabataan sa salvaging operation na ipangangalandakan ng huli na epektibong panlaban sa mga kriminal sa Davao City.

“Bale ba naman ang pinapatay diyan, gruesome ha, if you can only see a picture noong isang batang 14 years old.

Pinagsasaksak iyon,” dagdag ni Binay.

Tinukoy ni Binay ang mga biktima na sina Richard Alia, 18; Christopher Alia, 17; at Bobby Alia, 14, na umano’y nilikida ng Davao Death Squad, na iniuugnay kay Duterte, noong 2001-2002. (Ellson A. Quismorio)