Bilang ganti sa lahat ng makikiisa sa Bigas Hindi Bala volunteers sa pagtulong sa mga magsasakang nagprotesta sa Kidapawan City, North Cotabato, magtatanghal nang libre ang mga mang-aawit at spoken word artists ng The Bet Sins Community ngayong Sabado, sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila.

“Nakita ko sa Facebook ‘yong mga nangyayari pati sa TV, nabasa ko rin ‘yong mga tula ng mga ka-grupo ko sa Betsin-artparasite Community na sobrang nakakalungkot. Gusto ko lang tumulong sa mga magsasaka natin na naghihirap dahil walang makain, kahit sa maliit na paraan lang,” sinabi ng isa sa mga namumuno sa Bet Sins na kilala sa tawag na “Tinapay”, sa panayam sa Balita.

Ang Bet Sins ay grupo ng libu-libong writers, artists at musicians sa loob at labas ng bansa na nasa likod ng Betsins-artparasite page sa Facebook, na may mahigit 250,000 followers.

Simula 12:00 ng tanghali hanggang 7:00 ng gabi, magtatanghal ang grupo sa White House ng PUP upang kumalap ng bigas, de-lata at iba pang pagkain, at gamot, para sa pamilya ng mga magsasakang nagprotesta sa Kidapawan, kabilang ang mga namatayan sa madugong dispersal ng pulisya. (Charina Clarisse L. Echaluce)

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso