Itinanggi ng mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato, na kabilang sa mga biktima ng marahas na dispersal operation ng pulisya sa Makilala-Kidapawan national road nitong Abril 1, na miyembro sila ng New People’s Army (NPA), taliwas sa akusasyon ng awtoridad.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights na isinagawa sa Davao City kahapon, iginiit ni Arlyn Oti Amar, isa sa mga nagprotestang magsasaka, na naging kasapi sila ng kilusang komunista, sinabing ang tanging hangad nila ay mabigyan sila ng pamahalaang lokal ng bigas para kanilang makain sa gitna na nararanasang matinding tagtuyot sa lalawigan.
Nabulgar din sa pagdinig, na pinangunahan ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, na kahit tapos na ang kilos-protesta, na nagdulot ng pagkasawi sa tatlong magsasaka, ay patuloy pa rin ang pananakot sa kanilang hanay.
Ayon kay Gerry Alborme, ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), pinaikutan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang Spottswood Methodist Center, na roon pansamantalang nanirahan ang 3,000 raliyista nitong Abril 1-5.
Aniya, lahat ng lumalabas na magsasaka ay inililista ang mga pangalan at kinukuhanan umano ng litrato at video.
“Ginawa namin ‘yun dahil gusto naming makahingi ng bigas, pero ano ang iginanti sa amin? Bala, bombero,” ani Lolita Lumangday, taga-Arakan, North Cotabato.
Una nang sinabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. Wilben Mayor na layunin ng fact-finding team na binuo ng pulisya na maging transparent at mabatid ang katotohanan sa likod ng nangyaring karahasan.
Kasabay nito, tiniyak ni Mayor sa publiko na sakaling may lapses sa hanay ng mga pulis sa Kidapawan ay papanagutin ang mga ito. (LEONEL ABASOLA)