KALIWA’T kanan ngayon ang kilos-protesta ng operator at driver ng mga jeepney organization.

Motorcade dito, motorcade d’yan.

Demonstrasyon, kundi sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay sa kalapit na Land Transportation Office (LTO).

Ang kanilang hinaing: ang pagpapatupad ng old jeepney phase-out scheme.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Sa ilalim ng naturang patakaran, hindi papayagan ang mga jeepney na may edad 15 pataas na muling makapagparehistro.

Layunin dito ng gobyerno na mabawasan ang polusyong dulot ng lumang diesel na makina at mapangalagaan din ang kaligtasan ng mga pasahero na karaniwang nasasangkot sa aksidente, dahil sa mga karag-karag na sasakyan.

Ang pangamba ng mga jeepney driver at operator ay mamamatay sila sa gutom dahil sa pagkakait sa kanilang kabuhayan.

May nagbanta pa na “kakapit na lang sila sa patalim” kung paiiralin pa rin ng gobyerno ang pagkamanhid sa kanilang kapakanan.

Bagamat tahimik ang kanilang isinagawang kilos-protesta sa nakalipas na mga buwan, ‘tila walang pakialam ang mga commuter sa naturang isyu.

Kung iisipin natin, dapat maging ang mga commuter ay papalag sa old jeepney phase-out scheme dahil sila rin ay direktang maaapektuhan nito.

Mahina rin ang “PR” ng mga jeepney organization. Kung ako sa kanila, hahatak ako ng mga organisasyon na may kinalaman sa commuter protection.

Andyan ang mga grupong nag-iingay hindi lang tuwing tumitirik ang LRT at MRT kundi maging nakatutunog sila ng dagdag-pasahe sa mass transport system.

Bakit hindi kaya sila nakikisimpatya sa mga operator at jeepney driver?

Marahil ay pagod na rin ang mga commuter sa pagsakay sa mga jeepney na hindi na nagsigasig na ayusin ang kanilang sasakyan upang maging komportable at ligtas na tangkilikin.

Mantakin n’yo, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay ginagamit na ang jeep bilang pamasada.

Subalit pagmasdan n’yo ang upuan ng sasakyang ito, na dating tinaguriang “Hari ng Kalsada” at madalas ding gamitin bilang simbolo ng pampublikong transportasyon ng bansa, hindi na kumapal ang foam nito.

Simula nang mag-aral ng kinder hanggang ngayon, pinapaltos ang puwet ng maraming estudyante dahil sa nipis ng foam.

Nakasakay na ba kayo ng jeepney na punit-punit ang sapin ng upuan?

Kapag minalas ka ay parang hiniwa ng blade ang inyong kamay kapag nagkamali ang hawak n’yo sa upuan.

May mga pagkakataon na hindi man lang pinupunasan ang upuan at hawakan ng pasahero.

Sa mga driver at operator ng jeep: Isipin n’yo naman ang kapakanan ng mga pasahero. (ARIS R. ILAGAN)