Handa na si interim WBA light flyweight champion Randy Petalcorin ng Pilipinas na harapin si WBA Pan African junior flyweight ruler Omar Kimweri ng Tanzania sa 12-round championship fight para sa bakanteng WBC silver flyweight title sa Abril 15, sa Melbourne Pavillion sa Victoria, Australia.

Ayon kay Petalcorin, kabisado niya ang diskarte at istilo ni Kimweri kung kaya’t magiging madali aniya ang kanyang pagsikwat sa inasam na korona.

“I’m not scared of Kimweri. We sparred already before in Melbourne two years ago and I don’t find any problems in beating him,” ani Petalcorin.

Ayon sa manedyer ni Petalcorin na si Jim Claude Manangquil, chief executive officer ng Sanman Promotions, bagamat light flyweight ang tunay na timbang nito susubukan nito ang 112 lbs.division.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

“Randy hopes to get another belt for the country,” giit ni Manangquil hinggil sa kanyang boksingero na may kartang 23-1-1, tampok ang 18 TKO.

“We are just testing one fight for Petalcorin in the flyweight division. “He is really a light flyweight. We will see if he looks good in 112 lbs. But the original plan was really to be at 108 lbs. Only,” aniya.

Hinihintay na lamang ni Petalcorin ang kanyang unification bout kay WBA light flyweight champion Ryoichi Taguchi ng Japan na patuloy umiiwas sa kanya pero umaasa siyang iuutos ito ng WBA sa lalong madaling panahon.

May rekord si Kimweri na 15-3-0, tampok ang 6 na TKO.

Dating WBO Oriental light flyweight at Australian flyweight champion si Kimweri na gustong talunin si Petalcorin para makapasok sa world rankings. (Gilbert Espeña)