Stephen Curry, Andrew Wiggins, Karl-Anthony Towns

OAKLAND, California (AP) — Nabalahaw nang bahagya ang ratsada ng Golden State Warriors na malagpasan ang NBA record 72 win matapos mabitiwan ang 17 puntos na bentahe sa regulation at masilat nang nangungulelat sa Western Conference na Minnesota Timberwolves, 124-117, sa overtime Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila).

Hataw si Shabazz Muhammad sa naiskor na career-high 35 puntos, habang kumana si Andrew Wiggins ng 32 puntos para sa Minnesota at pigilan ang Golden State (69-9) na tanghaling ikalawang team na nakapagwagi ng 70 panalo sa isang season.

Kakailanganin ng Warriors na maipanalo ang apat na nalalabing laro para mabura ang single-season win record na 72 ng Chicago noong 1995-96.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

SPURS 88, JAZZ 86

Sa Salt Lake City, naisalpak ni Kawhi Leonard ang go-ahead jumper may 4.9 segundo sa laro para gabayan ang San Antonio Spurs kontra Utah Jazz.

Kumubra si Leonard ng 18 puntos, habang natikman ni Tim Duncan ang ika- 1,000 regular-season victory.

Sumablay ang game-winning 3-pointer ni Rodney Hood para malaglag sa No.8 spot sa West playoff.

THUNDER 124, NUGGETS 102

Sa Denver, ginapi ng Oklahoma City Thunder, sa pangunguna ni Russell Westbrook na tumipa ng 13 puntos, 14 rebound at 12 assist, ang Nuggets.

Nailista ni Westbrook ang ika-17 triple-double ngayon season para tanghaling kauna-unahang player na nagawa nito sa nakalipas na 27 taon. Napantayan niya ang record ni Magic Johnson sa Los Angeles Lakers noong 1988-89.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 26 puntos at walong assist para sa Oklahoma City, ang No.3 team sa West playoff.

RAPTORS 96, HORNETS 90

Sa Toronto, nagsalansan si DeMar DeRozan ng 26 puntos, habang kumana si Kyle Lowry ng 21 puntos sa panalo ng Raptors kontra Charlotte Hornets.

Kumubra si Jonas Valanciunas ng 12 puntos at 12 rebound, habang humugot ng 11 puntos si Corey Joseph para sa ikatlong panalo ng Raptors sa huling apat na laro.

GRIZZLIES 108, BULLS 92

Sa Memphis, pinangunahan ni Zach Randolph na kumana ng 27 puntos at 10 rebound ang panalo ng Grizzlies kontra Chicago Bulls.

Nag-ambag si Vince Carter ng 17 puntos para sa Memphis.

Sa iba pang mga laro, nagwagi ang Cleveland Cavalirs kontra Milwaukee Bucks, 109-80; pinaso ng Miami Heat ang Detroit Pistons, 107-89; dinagit ng Atlanta Hawks ang Phoenix Suns, 99-90; ginapi ng Philadelphia Sixers ang New Orleans Pelicans, 107-93;