ronda copy

Antipolo City – Nagtangka ang mga karibal, ngunit kinulang.

At sa isa pang dominanteng ratsada ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance, kasaysayan ang kanyang naitala nang tanghaling kauna-unahang rider na nagwagi ng tatlong sunod na stage race matapos pagwagihan ang criterium Stage 3 ng 2016 Ronda Pilipinas Luzon leg kahapon sa Antipolo City.

Matikas na nakihamok ang mga karibal ni Morales mula sa Team LBC/MVP, subalit sadyang matikas ang ratsada ng pambato ng Marikina City para kunin ang panalo sa tyempong isang oras, walong minuto at 25.81 segundo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Nahuli ko si Quita rito na lang papasok sa huling kurba,” sabi ni Morales, tinanghal na Mindanao Leg champion bago tumapos na ikaanim sa overall sa Visayas Leg na pinagwagian naman ng kasanggang si Ronald Oranza.

Pinilit ni Ronnilan Quita na maka-breakaway paglampas lamang sa huling lap kasunod ang dalawang kakampi sa Team LBC, subalit, hindi nagpatinag si Morales para maibigay sa koponan ang ika-12 stage win sa torneo.

Pumangalawa si George Luis Oconer ng Team LBC/MVP (1:08:32.95) ,habang ikatlo si Jhon Mark Camingao ng Navy (1:08:37.99). Ikaapat at ikalima naman ang magkakampi sa Team LBC na sina Rustom Lim (1:08:38.04) at si Arnold Marco (1:08:51.23).

Nakuha ni Ronnilan Quita ng LBC ang ikaanim na puwesto (1:08:51.23) habang ikapito si Richard Nebres ng Team ASG (1:08:51.35), Ikawalo si Joel Calderon ng Navy (1:08:56.08), ikasiyam si Ronnel Hualda ng Team Light Science/AV (1:11:07.97) at nakumpleto ni Julius Mark Bonzo ng LBC (1:11:09.23) ang top 10.

Hindi naman nakatapos ang Visayas leg champion na si Ronald Oranza matapos itong sumemplang sa kurbada sa ikawalong ikot at masira ang quick release lock sa hulihang gulong gayundin ang kasamahan nito na sina Rudy Roque at Daniel Ven Carino.

Kabuuang 13 siklista lamang ang nakatapos sa napakabilis na ikutan mula sa 45 kalahok.

Mananatiling suot ni Morales ang simbolikong red jersey matapos na halos walisin ang lahat ng nakataya na mga puntos kabilang na sa Sprint King (Green Jersey) at Best Local Rider (Yellow jersey). Bitbit nito ang kabuuang 45 puntos sa overall at yellow jersey habang mayroon itong 25 puntos sa Sprint King.

Bahagyang nagalaw ang overall standings kung saan nanatili sa ikalawa at ikatlo sina Oconer at Lim sa hawak na 31 at 29 puntos habang umakyat mula sa ikalima tungo sa ikaapat si Camingao (25). Nahulog sa ikalima si Ronald Lomotos ng LBC (16) habang nagpalit sa ikaanim at ikapito ang Navymen na sina Joel Calderon (15) at Roque (13).

Umangat si Ronnilan Quita mula sa ika-10 tungo sa ikawalong puwesto (12) habang nahulog mula ikawalo tungo sa ikasiyam na puwesto si El Joshua Carino ng Navy (10). Inagaw ni Arnold Marco ang ika-10 puwesto (9) kay Navy Team Captain Lloyd Lucien Reynante. (Angie Oredo)