ZAMBOANGA CITY – Nagbabala ang Zamboanga City Water District (ZCWD) ng matinding kakapusan sa tubig sa mga susunod na linggo, matapos mabawasan nang 50 porsiyento ang produksiyon ng tubig nitong Martes.
Ayon kay ZCWD Assistant General Manager for Operations Engr. Alejo Rojas, nabawasan ang produksiyon ng tubig sa 44,000 cubic meters kada araw mula sa dating 90,000 cubic meters nitong Abril 3.
“This coming April will be the hardest month…we are expecting the worse this April. We are trying to brace ourselves to meet our obligations,” ani Rojas.
Sinabi ni Rojas na bibili o posibleng magrenta ang ZCWD ng mga water tanker upang matiyak ang tuluy-tuloy na delivery ng tubig sa mga apektadong lugar.
Makikipag-usap din ang ZCWD sa mga opisyal ng barangay para sa paglalagay ng mga elevated tank sa piling lugar.
Matindi na ang naging epekto ng kakapusan ng tubig sa Zamboanga City, partikular na sa mga sektor ng kalusugan, agrikultura at pangisdaan.
Nag-ulat ang agri-fisheries sector ng P24 milyong pagkalugi at nasa 1,200 magsasaka ang apektado. (Nonoy E. Lacson)