Sisimulan ngayon ng Senate Justice and Human Rights Committee, na pinamumunuan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, ang imbestigasyon sa madugong dispersal operation ng pulisya sa mahigit 5,000 magsasaka na nagsagawa ng kilos-protesta sa Kidapawan City nitong Abril 1.
Tatlong magsasaka ang namatay habang mahigit 50 iba pa ang sugatan sa insidente.
Samantala, sinabi rin ng Philippine National Police (PNP) na marami rin ang sugatan sa kanilang hanay dahil sa pambabato ng mga raliyista.
Isasagawa ang imbestigasyon sa University of Southeastern Philippines (USP) sa Davao City sa kabila ng pahayag ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na imposible itong maisakatuparan dahil sa naka-recess ang Mataas na Kapulungan.
Isinulong nina Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos at Alan Peter S. Cayetano, kapwa tumatakbo sa pagka-bise presidente sa May 9 elections.
“Humihingi ng hustisiya ang mga magsasaka. Ipagkakait ba natin ito sa kanila? Nang humingi sila ng bigas, pinaulanan sila ng bala,” pahayag ni Pimentel.
Iginiit ni Sen. Koko na umiiral ang Senate Resolution No. 9 na nagbibigay kapangyarihan sa mga komite na magsagawa ng imbestigasyon bagamat naka-recess ang Senado habang nakasaad sa Section 2 ng Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation na maaaring magsagawa ng pagdinig ang Mataas na Kapulungan sa mahahalagang isyu. (Mario Casayuran)