Matapos ang mahigit limang taon na kanyang personal na nasaksihan ang mabagal na pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima ng krimen sa bansa, hindi na makapaghintay si dating Justice Secretary at ngayo’y senatorial candidate Leila de Lima na maupo sa Senado upang maipatupad ang reporma na kanyang isinusulong sa criminal justice system.

“There’s a need to overhaul the justice system. [If elected as senator] I want to simplify the law,” pahayag ni De Lima sa “Hot Seat” candidates’ forum ng Manila Bulletin.

Aniya, pagod na siya sa mabagal na pagresolba ng mga kaso sa korte.

Ikinalungkot din ng dating kalihim kung paano minamanipula ng mga tiwaling opisyal ang mga kaso sa korte upang makaiwas sa kamay ng batas sa mga krimen na kanilang kinasasangkutan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nangunguna sa plataporma ni De Lima, sa kanyang pagtakbo sa pagkasenador sa ilalim ng Liberal Party, ang pagsusulong sa malawakang reporma sa sistema ng katarungan sa bansa na tanging nakikinabang ay ang mga maimpluwensiyang personalidad ng lipunan.

Puntirya rin ni De Lima, na dating nagsilbi bilang chairman ng Commission on Human Rights (CHR), ang pagsugpo sa kurapsiyon at pagbibigay proteksiyon sa karapatang pantao.

Aminado rin si De Lima na mabagal ang pag-usad ng pagdinig sa Maguindanao massacre na nangyari noon 2009 kung saan 57 katao ang napatay bagamat hangad niya na madesisyunan ang kaso laban sa mga Ampatuan bago bumaba sa puwesto si Pangulong Aquino sa Hunyo 2016.

Sinisi ni De Lima ang pagkakaantala sa kaso sa umano’y pabagu-bagong istratehiya ng abogado ng mga Ampatuan.

(Leonard D. Postrado)