SA isang mundo na laging may banta ng teroristang pag-atake, ang pinakamatinding kinatatakutan ay ang mapasakamay ng grupong tulad ng umatake sa France, Belgium, at Pakistan ang isang nuclear bomb.
Pinatay ng mga armadong inspirado ng mga mandirigmang jihadist ng Islamic State (IS) sa Syria at Iraq ang 130 katao sa Paris, France, noong Nobyembre ng nakaraang taon, at 32 katao sa Brussells, Belgium makalipas ang apat na buwan.
At nitong Marso 27, isa pang grupo na may kaugnayan sa Taliban ng Afghanistan ang umatake sa isang parke sa Lahore, Pakistan, habang nagdiriwang ng Linggo ng Pagkabuhay ang mga Kristiyanong Pakistani. May pagkakapareho ang mga pag-atakeng ito. Pawang inosenteng tao ang puntirya nila, karamihan ay Kristiyano, sa isang sinasabi nilang banal na digmaan, sa gitna ng pagpipigil sa kanila ng mga gobyerno.
Gamit ang mga machine gun, mga bomba, mga granada, at iba pang kumbensiyunal na armas, pinasasabog nila ang kanilang sarili kasama ang kanilang mga biktima. Paano na lang kung mapasakamay ng mga taong ito ang mga armas na nukleyar?
Ang pangambang ito ay inihayag ni United States President Barack Obama bago magpulong ang mga world leader sa Washington, DC, nitong Biyernes. “There is no doubt that if these mad men ever got their hands on a nuclear bomb or nuclear material, they would use it to kill as many innocent people as possible,” aniya.
Ang kaparehong pangambang ito ang nagbunsod kay Obama upang kondenahin niya ang pahayag sa kampanya ng US Republican presidential contender na si Donald Trump na nagsabing dapat na pahintulutan ang Japan at South Korea na magtayo ng kani-kanilang nuclear arsenal. Maaaring kaalyado ngayon ng Amerika ang Japan at South Korea, ngunit sa pagbabago ng gobyerno—sa pamamagitan ng demokratikong halalan o kaya ay kudeta—maaaring magbago ang lahat.
Ito ay sa kabila ng ang Amerika at ang iba pang bahagi ng mundo ay nangangamba sa pagsubok ng North Korea sa mga long-range missile nito at sa pagsasabing nagpasabog ito ng isang hydrogen bomb. Ngunit kahit na ang North Korea ay may sariling limitasyon sa mga weapons test nito; hindi naman ito nagpapakita ng anumang seryosong banta sa ibang bansa. Ibang usapan na kapag ibang grupo, gaya ng Islamic State, ang nagkaroon ng mga armas nukleyar na may kakayahang pumatay ng milyun-milyon sa isang pagpapasabog.
Sa lumalalang banta ng terorismo at pag-atakeng nukleyar, ang magagawa lamang ng Pilipinas ay magmasid. Dapat na alam natin ang tungkol sa mga ito at maging handa tayo sa abot ng ating makakaya, at ipaabot ang ating suporta, kung kinakailangan, sa pinag-isang pagsisikap ng mga bansa upang mapanatili ang kapayapaan at kalayaang tinatamasa ng mundo sa ngayon.