Ipinaaaresto ng Sandiganbayan si Senator JV Ejercito kaugnay ng kinakaharap nitong kasong graft dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga baril na nagkakahalaga ng P2.1 milyon noong alkalde pa ito ng San Juan City.

Ang arrest warrant ay inilabas ng Fifth Division ng anti-graft court kasunod na rin ng paghahain ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at malversation dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng Daewoo submachine gun gamit ang pondo ng calamity fund ng San Juan City noong 2008.

Nilinaw ng Ombudsman na hindi isinailalim ang lungsod sa state of calamity nang isagawa ang pagbili ng baril.

Kabilang din sa kinasuhan ang 19 na dati at kasalukuyang opisyal ng San Juan City.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Inirekomenda rin ng Office of the Special Prosecutor ng Ombudsman ang piyansang P30,000 para sa bawat akusado sa kasong katiwalian at P6,000 na piyansa para sa pansamantala nilang kalayaan sa kasong technical malversation.

Bukod kay Ejercito, nahaharap din sa kasong graft sina San Juan City Bids and Awards Committee (BAC) members city administrator Ranulfo Dacalos, treasurer Rosalinda Marasigan, city Attorney Romualdo Delos Santos, city budget officer Lorenza Ching at city engineer Danilo Mercado.

Sa technical malversation case, kasama ni Ejercito sa akusado sina incumbent City Vice Mayor Francisco Zamora, dating vice mayor Leonardo Celles at dating city councilor na sina Andoni Carballo, Vincent Pacheco, Angelino Mendoza, Dante Santiago, Rolando Bernardo, Grace Pardines, Domingo Sese, Francis Peralta, Edgardo Soriano, Jannah Ejercito-Surla, Ramon Nakpil, at Joseph Christopher Torralba. (ROMMEL P. TABBAD)