Mahigit isang buwan bago ang 2016 synchronized automated national elections, isang petisyon ang inihain laban sa Commission on Elections (Comelec) tungkol sa mga paghahanda nito sa idaraos na halalan.
Sa kanilang petition for certiorari, prohibition and mandamus na may petsang Marso 31, 2016, hiniling ng natalong bidder na Northern Worx KPO Inc., NextIX Inc., at Kit Properties Inc Joint Venture sa Supreme Court (SC) na pagbawalan ang Comelec na igawad ang kontrata sa pagtatayo ng National Technical Support Center (NTSC) para sa eleksiyon sa Mayo 9 sa Smartmatic-TIM sa pamamagitan ng paglabas ng temporary restraining order (TRO).
Hiniling din ng mga petitioner sa Supreme Court (SC) na obligahin ang Comelec na igawad sa kanila ang proyekyo dahil sa pagsumite ng pinakamababang calculated responsive bid.
Ang NTSC ay ang unit na inatasang magbigay ng technical assistance sa bawat bahagi ng halalan.
Pinangalanang respondent sa petisyon ang Comelec at ang Joint Venture ng Smartmatic TIM Corporation, Total Information Management Corporation, Smartmatic International Holtint BV, Jarltech International Inc at LRA Pacific Management Consulting Inc.
Sa pre-bid conference noong Enero 11, 2016, dalawang bidder lamang ang sumali, ang joint ventures ng Northern Worx at ang Smartmatic-TIM.
Ang proyekto ay may approved budget na mahigit P122 million.
Noong Enero 25, 2016, idineklara ng Comelec-Bids and Awards Committee (BAC) ang Northern Worx na isa sa mga nakapagsumite ng pinakamababang calculated bid sa alok na P90.88 million laban sa Smartmatic-TIM na nag-alok ng P122.71 million.
Gayunman, diniskwalipika ng BAC, sa resolusyon na may petsang Pebrero 15, 2016, ang Northern Worx matapos magsagawa ng post-qualification ang Technical Working Group ng BAC. (PNA)