ANG pagnanakaw sa salapi ng Bangladesh at ang money laundering sa Pilipinas ay maaaring makaapekto sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, ayon sa aking kaibigan na si Susan “Toots” Ople, kinikilalang kampeon ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Ayon kay Toots, mahalaga na maging transparent at kapani-paniwala ang gobyerno sa pagharap sa kontrobersiyang ito upang maiwasan na maisama ang bansa sa blacklist ng Financial Action Task Force (FATF).

Kapag nangyari ito, maaaring tumaas ang binabayaran ng mga OFW sa pagpapadala ng salapi sa kani-kanilang pamilya, ayon pa sa tagapangulo ng Blas F. Ople Policy Center.

Lalong malaking problema ang ibubunga nito. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umabot sa $2.2 billion ang remittances noong Enero 2016.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa gitna ng umiinit na halalan sa pagkapangulo, mahalaga na malaman ng mga botante ang mga konkretong plano nila para sa mga OFW.

Inaasahan ko na sa susunod na presidential debate ay tatalakayin ang mga suliranin ng mga OFW, na nag-aambag ng 9% sa ating Gross Domestic Product.

Magandang itanong sa mga kandidato ang ganito: “Sisikapin ba ninyo na itatag ang Department of Overseas Filipino Workers sa unang taon ng inyong termino?”

Mahalaga ito upang tugunan ang pangangailangan ng mahigit 10 milyong Pilipino sa ibang bansa. Kailangan ang isang kalihim na bahagi ng Gabinete upang pangalagaan ang mga OFW laban sa pang-aabuso, pagsasamantala at panganib dahil sa mga kaguluhan.

Magagawa lang ito ng isang kagawaran na buo ang pagsisilbi sa mga OFW. Noong ako’y nasa pamahalaan pa, nagmamadali ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagpapadala ng tulong sa ating mga kababayan nang sumiklab ang krisis sa Gitnang Silangan, lalo na sa Israel, Egypt, Tunisia, Libya, Syria at Iraq.

Taliwas sa sinasabi ng ilang kritiko, ang pagtatatag ng bukod na departamento para sa mga OFW ay hindi magbubunga ng duplikasyon ng mga gawain ng DFA at DoLE. Una, ang mga gawain ng mga departamento ay kailangan sa kasalukuyang panahon. Halimbawa, sa pagbuo ng mga tratado sa kalakal, kailangan ng DFA ang kooperasyon ng Department of Trade and Industry (DTI).

Pangalawa, ang mahalaga ay pagsama-samahin sa isang departamento ang mga aktibidad tungkol OFW, upang maiwasan ang pagtuturuan kapag ang isang kasambahay ay inabuso o kapag hinatulan ng kamatayan ang isang manggagawa kahit walang kasalanan.

Kailangan ding tulungan ang mga OFW na makabalik sa lipunan kapag natapos na ang paghahanapbuhay sa ibang bansa.

Noong ako’y nasa Senado, isinulong ko ang isang panukala upang matulungan sa pamumuhunan ang mga OFW, kabilang ang pagpapautang sa kanila at pagbibigay ng tax exemption. (Manny Villar)