TUMAAS ng isang porsiyento ang pandaigdigang gastusing militar noong 2015, ang unang taunang pagtaas sa nakalipas na apat na taon, ayon sa isang think tank sa Stockholm, at tinaya na 10 porsiyento nito ay sapat nang ilaan sa gastusin para sa mga pandaigdigang programa na magbibigay-tuldok sa kahirapan at pagkagutom sa loob ng 25 taon.
Ayon sa Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI), tumaas sa halos $1.7 trillion ang gastusin para sa sandatahan noong nakaraang taon, at pinakamalaki rito ang United States, kahit pa bumaba ng 2.4 na porsiyento ang paggugol sa $596 billion.
Ang China ang ikalawang pinakamalaki ang ginastos sa ikalawang sunod na taon, na umabot sa 7.4 na porsiyento o $215 billion, habang naungusan ng Saudi Arabia ang Russia sa ikatlong puwesto, at panglima ang Britain.
Ayon sa SIPRI, ang gastusin sa militar ay bumuo sa 2.3 porsiyento ng pandaigdigang gross domestic product—at 10 porsiyento nito ay sapat na upang pondohan ang mga programang sinang-ayunan ng 193 miyembrong estado ng United Nations noong Setyembre upang matuldukan ang kahirapan at pagkagutom pagsapit ng 2030.
“This gives some sort of perspective that can allow people to see what is the opportunity cost involved with global military spending,” sabi ni Sam Perlo-Freeman, pinuno ng military expenditure project ng SIPRI.
“This could stir up some debate although we are certainly not expecting a 10 percent cut in military spending at all,” aniya. “That is all about the politics of these countries.”
Ayon sa taya ng United Nations, nasa 800 milyong katao ang nabubuhay sa matinding kahirapan at dumadanas ng gutom, at mga bansang balot ng kaguluhan ang may pinakamatataas na antas ng paghihikahos.
Batay sa taunang military spending report ng SIPRI, nadagdagan ang kabuuang gastusin noong nakaraang taon sa Asia, Central at Eastern Europe, at Middle East.
Gayunman, nanamlay naman ang paggugol sa North America, Western Europe, Latin America at Caribbean, at Africa.
“On the one hand, spending trends reflect the escalating conflict and tension in many parts of the world; on the other hand, they show a clear break from the oil-fueled surge in military spending of the past decade,” sabi ni Perlo-Freeman. “This volatile economic and political situation creates an uncertain picture for the years to come.”
(Thomson Reuters Foundation)