Nagpalabas kahapon ng isa pang hold departure order (HDO) ang Sandiganbayan laban kay Senator Joseph Victor “JV” Ejercito at sa 14 na opisyal San Juan City kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng mga baril na nagkakahalaga ng P2.1 milyon noong 2008, noong alkalde pa ng siyudad ang senador.
Ang nasabing HDO ay inilabas ng Sixth Division ng anti-graft court kaugnay ng technical malversation na kinakaharap ni Ejercito, bunsod ng naturang isyu.
Bukod kay Ejercito, kasama rin sa inisyuhan ng HDO si incumbent San Juan City Vice Mayor Francisco Zamora, dating San Juan Vice Mayor Leonardo Celles, Andoni Carballo, Vincent Pacheco, Angelino Mendoza, Dante Santiago, Rolando Bernardo, Grace Pardines, Domingo Sese, Francis Peralta, Edgardo Soriano, Jannah Ejercito-Surla, Ramon Nakpil, at Joseph Christopher Torralba.
Nitong Lunes, naglabas din ng HDO ang 5th Division ng Sandiganbayan laban kay Ejercito at sa lima pang opisyal ng lungsod na sina City Administrator Ranulfo Dacalos, Treasurer Rosalinda Marasigan, Atty. Romualdo delos Santos, Budget Officer Lorenza Ching, at Engineer Danilo Mercardo.
Matatandaang kinasuhan si Ejercito ng isang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at isang bilang ng technical malversation.
Sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman, binanggit na nagsabwatan sina Ejercito at iba pang opisyal ng lungsod upang bumili ng high-powered firearms gamit ang calamity fund ng lungsod bilang “investment for disaster preparedness” noong Pebrero 2008.
Nilinaw ng Ombudsman na hindi isinailalim sa state of calamity ang lungsod nang isagawa ang pagbili ng mga baril.
(ROMMEL P. TABBAD)