DAVAO CITY – Sa kabila ng matinding laban niya sa stage 3 cancer, sinimulan kahapon ni Elizabeth Zimmerman ang sarili niyang kampanya upang suportahan ang kandidatura sa pagkapangulo ng dati niyang asawa na si Mayor Rodrigo Duterte.

Ito ang unang beses na lumabas sa publiko si Zimmerman para ilunsad ang “Byaheng DU30”, ang isang-buwang kampanya ng pagsakay sa bus na tinawag din ng support group niya bilang “Duterte Bus”, na magbibiyahe sa iba’t ibang probinsiya sa Visayas at Mindanao.

Layunin din ng caravan na pasalamatan ang mga tagasuporta ng alkalde sa Mindanao at Visayas, at kumbinsihin ang mga hindi pa nakapagdedesisyon na iboto ang dati niyang asawa.

“I am doing this for the country’s future. We are doing this for change, real change,” sabi ni Zimmerman, idinagdag na hiniling niya sa kanyang doktor na suspendihin muna ang kanyang radiation treatment hanggang sa matapos ang kampanya. “My doctor told me I can skip for just a week, but I told him no, I want to be in the campaign for one month.”

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Matapos tiyaking nakumpleto na niya ang 15 session ng gamutan, sinabi ni Zimmerman sa mga tagasuporta ni Duterte at sa kanilang mga kaibigan na walang dapat ipag-alala ang mga ito.

“All my medicines are in my bag,” aniya.

Kasama ni Zimmerman sa Byaheng DU30 ang kanyang anak na si Inday Sara Duterte-Carpio, dalawang apo, at 20 iba pang volunteer.

Nagsama sina Duterte at Zimmerman sa loob ng halos 25 taon, at bagamat annulled na ang kanilang kasal, nanatiling mabuting magkaibigan ang dalawa at walang maliw ang suporta sa isa’t isa. (Alexander D. Lopez)