ILANG linggo na lamang bago ang eleksiyon sa Mayo 9 nang ma-hack noong nakaraang linggo ang website ng Commission on Elections (Comelec) ng isang grupong may kaugnayan sa Anonymous Philippines. Napasok nito ang database ng Comelec, at nagbabalang masusi nitong susubaybayan kung paano idaraos ang halalan, at hiniling sa komisyon na gamitin ang security features ng mga makinang gagamitin sa botohan. “Commission on Elections, we are watching,” babala ng mga hacker. “Expect us.”
Ito ang ikalawang beses na na-hack ng grupo ang nasabing website. Sinabi ni Senior Commissioner Christian Robert Lim na na-hack ng Anonymous ang website ng Comelec noong nakaraang taon upang igiit ang paggamit ng lahat ng security features ng mga vote counting machine.
Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na walang sensitibong impormasyon sa website na na-hack noong nakaraang linggo. Para sa mismong halalan, aniya, gagamit ang Comelec ng ibang website. “It will have its own set of security feaures which are different and of a higher quality than the one we are using now,” aniya.
Hindi madali ang pagtiyak sa seguridad ng isang website. Simula noong unang bahagi ng 2012, na-hack na ng Anonymous Philippines ang ilang website ng gobyerno upang magprotesta laban sa Anti-Cybercrime Law. Pagkatapos ng engkuwentro sa Mamasapano noong 2015, inatake ng grupo ang mga website ng gobyerno upang magpahayag ng simpatiya sa mga pamilya ng 44 na police commando na napatay sa insidente at binatikos ang hindi pagdalo ni Pangulong Aquino sa seremonya sa Villamor Air Base para salubungin ang mga labi ng mga nasawing pulis.
Maging ang United States, na may pinakamodernong teknolohiya sa cyberspace, ay dumanas ng malawakang data breach nang ma-hack ang Office of Personnel Management, o ang human resources department ng buong federal government, noong 2014-2015, na naglantad sa mga detalyadong impormasyon tungkol sa may 21 milyong empleyado ng gobyerno. At dalawang linggo pa lamang ang nakalipas nang pinuri ng state-run media ng China ang isa nitong mamamayan na umaming hina-hack ang mga website ng Boeing upang matunugan ang mga plano tungkol sa mga jet fighters at pampasaherong eroplano.
Tunay na mahirap matapo ang cyber security at maaaring hindi magawa ng Comelec ang isang bagay na bigong gawin maging ng mga kumpanya at ahensiya ng gobyerno na kasing moderno ng Amerika. Gayunman, maaari tayong mapanatag sa obserbasyon ni dating Comelec Commissioner Gus Lagman na bagamat hindi ligtas ang website ng Comelec, hindi naman magiging madali ang pakikialam sa 90,000 voting machine upang manipulahin ang magiging resulta ng eleksiyon. Ang nakababahala, aniya, ay ang “internal tampering or inside job” sa website ng Comelec pagkatapos ng eleksiyon, na ipapaskil na ang mga resulta ng botohan.
Maaaring may mas matinding panganib kaysa outside hacking. Dapat na maging alerto ang Anonymous sa posibilidad ng “inside job” at tama lang na bigyang babala ang mga opisyal ng Comelec. Mahalagang maging handa ang komisyon sa anumang posibilidad at akuin ang responsibilidad na tiyaking ang resultang maitatala sa ating modernong automated system ay mapoprotektahan sa eleksiyon.