Patuloy na dumadami ang mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV), at mas mataas ang naitalang bagong kaso ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2015, ayon sa report ng Department of Health (DoH).
Ayon sa huling HIV/AIDS Registry of the Philippines, may kabuuang 751 bagong kaso ng HIV ang iniulat nitong Pebrero lamang.
“This was 16 percent higher compared to the same period last year, which is at 646,” saad sa DoH report.
Sa mga bagong kaso ng HIV noong Pebrero, pinakamarami ang naitala sa Metro Manila, na may 295 kaso; Calabarzon, 124 na kaso; Central Visayas, 100; Central Luzon, 65; at Davao Region, may 58 kaso.
Sa 751 bagong kaso ng HIV, may kabuuang 116 ang nauwi sa acquired immune deficiency virus (AIDS). Bukod pa rito, 55 katao na may HIV/AIDS ang namatay nitong Pebrero.
Ibinunyag din na sa mga niatalang kaso noong Pebrero, may kabuuang 711 indibiduwal o 95 porsiyento ang nahawahan sa sexual transmission, karamihan ay dahil sa pakikipagtalik ng lalaki sa lalaki, na may 619 na kaso o 87%. Ang homosexual contact naman ang responsable sa 358 kaso; kasunod ng bisexual contact, 261 kaso; at heterosexual contact, na may 92 kaso.
Naihawa rin ang HIV sa injecting drug use (IDU), na may 38 bagong kaso; habang may dalawang kaso naman sa mother-to-child transmissions.
Simula noong 1984, may 31,911 kaso ng HIV na naitala sa bansa, kabilang ang 2,762 kaso ng AIDS, at 1,649 na pagkasawi. (Charina Clarisse L. Echaluce)