Umakyat ng timbang si world rated Juan Martin Elorde ng Pilipinas upang talunin si dating Indonesian featherweight champion Musa Letding para masungkit ang bakanteng WBO Oriental lightweight title kamakailan sa Sofitel Plaza Hotel, Pasay City.

Pinaglaruan lamang ni Elorde si Letding sa loob ng 12 round para maidagdag ang regional title sa dati niyang hawak na WBO Asia Pacific super featherweight crown.

Nakalista si Elorde na No. 7 kay WBO junior lightweight titlist Roman Martinez ng Mexico pero inaasahang papasok siya sa WBO lightweight world rankings na kampeon si Terry Flanagan ng Great Britain matapos mapaganda ang kanyang rekord sa 20-1-1, tampok ang walong TKO.

Sa undercard, tinalo ni Juan Miguel Elorde si dating Indonesian bantamweight titlist Waldo Sabu sa 12-round unanimous decision para mapanatili ang WBO Asia Pacific super bantamweight crown kaya tiyak na aangat siya sa world rankings sa dibisyong pinaghaharian ng Pilipino ring si Nonito Donaire Jr.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kasalukuyang nakalista bilang No. 5 contender ni Donaire, napaganda ni Juan Miguel ang kanyang kartada sa 21-1-0 win-loss-draw na may 11 pagwawagi sa knockout.

Nanatili namang perpekto ang rekord ni WBC International flyweight champion Giemel Magramo nang talunin niya via 3rd round TKO si Indonesian John Bajawa. Inaasahang aangat si Magramo sa WBA rankings kung saan nakalista siyang No. 15 contender kay WBA flyweight ruler Juan Francisco Estrada ng Mexico. (Gilbert Espeña)