OAKLAND, California (AP) — Sa bawat paglagapak, asahan ang matinding pagbangon ng Golden State Warriors.
Naisalpak ni Stephen Curry ang siyam sa 13 ibinatong 3-point shot tungo sa kabuuang 39 puntos para pangunahan ang Warriors sa matikas na pagbangon mula sa mapait na kabiguan na pumutol sa kanilang home-game 54-game winning streak sa pamamagitan ng 136-111 panalo kontra Portland Trail Blazer, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Nag-ambag si Draymond Green ng 22 puntos, 10 rebound at 10 assist para sa ika-13 triple-double ngayong season, habang tumipa si Klay Thompson ng 21 puntos para sa Warriors, napantayan ang record ng 1996-97 Chicago Bulls at 1971-72 Los Angeles Lakers na may 69 panalo sa isang season.
MAVERICKS 88, TIMBERWOLVES 78
Sa Minneapolis, ginapi ng Dallas Mavericks, sa pangunguna ni Wesley Matthews na kumana ng 19 puntos, ang Minnesota Timberwolves para patatagin ang kampanya sa No. 8 spot sa Western Conference playoff.
Sa iba pang laro, nagwagi ang LA Clippers sa Wizards, 114-109; ginapi ng Cavaliers ang Hornets, 112-103; naungusan ng Rockets ang Thunder, 118-110; tinalo ng Pelicans ang Nets, 106-87; namayani ang Jazz sa Suns, 101-86; pinabagsak ng Magic ang Grizzlies, 119-107; dinaig ng Celtics ang Lakers, 107-100; giniba ng Bulls ang Bucks, 102-98; tinalo ng Pacers at Knicks, 92-87.