MALAMIG na simoy ng hanging amihan tuwing madaling-araw hanggang sa magbukang-liwayway. At habang umaangat ang araw sa silangan at kumakalat ang liwanag sa kapaligiran, unti-unting nadarama ang hatid na init ng araw na parang hininga ng isang nilalagnat. Habang tumatagal at patuloy sa pagtaas ang araw, kumakagat na halos sa balat ang init.
Ito ay paglalarawan kapag sumasapit ang tag-araw. Maalinsangan. Idagdag pa ang mga natutuyong damo sa paanan ng mga bundok at pilapil sa bukid. Ang mga natutuyot na sanga ng mga punongkahoy at pagkalagas ng mga dahon. Ang pamumulaklak ng mga halaman sa kabila ng matinding init. Ang namumukadkad na bulaklak ay banayad na sumasayaw sa ugoy at ihip ng hangin. Matatanaw sa mga bakod ng mga bahay sa mga gilid ng daan. May gumagapang, may nakalawit at nakatingala sa langit. Matitingkad ang kulay. Malamig sa mata at bahagyang nakapapawi sa nadaramang alinsangan kapag sinulyapan ng mga naglalakbay.
Sa pananaw ng marami nating kababayan, lalo na ang mga nasa lalawigan, ang tag-araw ay may iba’t ibang anyo at kahulugan. Ang tag-araw para sa iba ay isang hindi nakababagot na panahon. Para sa ating mga magsasaka, panahon ito ng pag-aani ng palay, gulay at iba pang pananim. Ngunit nakalulungkot lamang sapagkat sa maraming lalawigan, ang mga magsasaka ay walang naaaning mga palay at pananim dahil sa epekto ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño.
Sa ibang lalawigan, katulad sa Rizal, matapos mag-ani ng palay, ang mga linang ay muling aararuhin. Sa tulong ng patubig, muling magtatanim ang mga magsasaka ng palay. Ang mga residenteng malapit sa tabi ng ilog at dagat, ang bukid na sakahan ay ginagawa nilang panag-arawan (pagtatanim ng palay tuwing tag-araw).
Sa pag-aararo ng bukid, naglipana ang mga ibong Tagakat Kanaway. Tangay ng kanilang tuka ang maliliit na isda, suhong at bulate. At habang lumilipas ang mga araw, ang itinanim na palay na kulay dilaw sa simula, ay unti-unting magiging luntian. Maglilihi at magbubuntis ang mga uhay. At ang ginintuang bunga ng pagod at sipag ay muling aanihin.
Para naman sa mga mag-aaral, ang pagsapit ng tag-araw ay panahon ng mahabang bakasyon. Sa mga maykaya sa buhay, sila ay nagsa-summer vacation. Ngunit sa mahihirap, panahon ito para tumulong sa kanilang mga magulang sa pagsasaka at pangingisda. Ang iba’y maghahanap ng trabaho at iniipon ang kikitain upang may maidagdag sa matrikula sa susunod na pasukan.
Sa pagsapit ng tag-araw, kaliwa’t kanan na rin ang kapistahan sa mga bayan at barangay sa iba’t ibang lalawigan. Sa pagdiriwang, kasabay ng pasasalamat sa Poong Maykapal at sa kanilang patron ang pagbibigay-buhay sa kanilang tradisyon at kaugalian. (Clemen Bautista)