NAGBITAW ng ilang puna si Pangulong Aquino tungkol sa mga mamamahayag sa kanyang pagtatalumpati sa harap ng mga delegado ng World Association of Newspapers and News Publishers sa Manila Hotel nitong Miyerkules. Maaaring mabawasan ang mambabasa ng mga lokal na mamamahayag kung patuloy ng mga itong bibigyang prioridad ang mga balitang kontrobersiyal at ibinatay lamang sa espekulasyon, aniya. Nanganganib ang propesyon ng pamamahayag kung hindi malinaw ang linya sa pagitan ng kuro-kuro at balita. “Some articles seem to be written with blatant bias while others fail to adequately represent the situation accurately,” dagdag niya.
Hindi ito ang unang beses na binatikos ng Pangulo ang pamamahayag sa Pilipinas. Oktubre ng nakaraang taon nang kondenahin niya ang ilang media entity sa pagpapalaki sa mga ulat tungkol sa pananalasa ng bagyong ‘Lando’ sa bansa.
Aniya, hindi niya pinagbabawalan ang media na maglathala ng mga negatibong balita; tanging “reasonable balance” lang ang hangad niya.
Sa harap ng mga pagtuligsang gaya nito, maaaring isipin ng ilan na ang mga mamamahayag ay isang makapangyarihan at higanteng institusyon na minsang nakahahadlang sa pagsulong ng gobyerno. Ang katotohanan, gayunman, ay independent entity ang bawat media organization, ginagabayan ng sarili nitong paniniwala, pinahahalagahan, at paninindigan. Kung pinili ng isang pahayagan na purihin ang lahat ng ginagawa ng administrasyon, at binibigyang-diin ang bawat tagumpay nito, ito ay desisyon ng kumpanya. Sa kabilang banda, kung pinili nitong maging mas kritikal, at maglaan ng mas maraming espasyo para sa mga negatibong balita, bahagi rin ito ng kalayaan sa pamamahayag, alinsunod sa ating Konstitusyon.
Tunay na, gaya ng sinabi ng Pangulo, ang mga balita sa mga pahayagan ay walang sinusunod na alinmang panuntunan.
“Some articles seem to be written with blatant bias, while others fail to adequately represent the situation accuately.” Ngunit ito nga mismo ang ideya ng malayang pamamahayag—ipiniprisinta ng mga pahayagan ang mga balita kung paano ito nauunawaan. Nagkakaroon lamang ng panganib kapag pinilit ng isang gobyernong authoritarian ang media na tumalima sa ideya nito ng dapat iulat at kung paano ito ilalathala.
Masuwerte tayo na sa Pilipinas ay mayroon tayong malayang pamamahayag bilang isa sa ating mga pangunahing karapatan bilang Pilipino. “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably assemble and petition the government for redress of grievances,” saad sa Section 4 ng Article III, Bill of Rights, ng ating Konstitusyon.
At masuwerte tayo na ang ating gobyerno ay tunay na nagbibigay ng proteksiyon sa kalayaang ito. Maliban na lamang sa nakalulungkot na panahon ng batas militar sa kasaysayan ng republika, ang kalayaang ito ay binibigyang-diin, ipinatutupad, at tinatamasa ng ating mamamayan. Totoong isa itong tatak ng kadalisayan ng administrasyong Aquino sa kasalukuyan.
Kung may mga panahong ang isang bahagi ng pamamahayag ay kritikal sa isang administrasyon, malinaw na aktibo ang malayang pamamahayag. May iba ring pitak ng pamamahayag na sumusuporta, kahit na parang hiningi lamang, ayon sa ilan. Dapat na tanggapin ang lahat. Sa malayang merkado ng mga ideya, kumpiyansa tayo na ang kabutihan at ang katotohanan ang mananaig. Sa huli, ang mamamayan—ang mga mambabasa—ang magpapasya. Ang mga pahayagan at iba pang media na naglilingkod para sa kapakanan ng publiko at ang katotohanan ang mananatili.