IPINAGDIRIWANG ngayong Abril 5, 2016 ni dating Pangulo at ngayon ay Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang ika-69 na kaarawan. Anak ni dating Pangulong Diosdado P. Macapagal, ang ikasiyam na Pangulo ng Pilipinas, si Congresswoman Arroyo, na mas kilala sa tawag na “GMA”, ang ika-14 na Presidente ng bansa, ang ikalawang babaeng Punong Ehekutibo kasunod ni Pangulong Corazon C. Aquino, at ang unang babaeng Bise Presidente. Nasa ikalawang termino na siya bilang miyembro ng Kamara de Representantes, bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga.

Ang termino ni GMA (Enero 20, 2001-Hunyo 30, 2010) ay batbat ng kaunlaran sa larangan ng lipunan at ekonomiya, nakaangkla sa kanyang pangunahing programa na “building a strong republic.” Pinangunahan niya ang bansa at inilatag ang mga pundasyon para sa matatag na ekonomiya sa kasagsagan ng 2007 Asian crisis. Nagpatupad siya ng reporma at pinagtibay ang burukrasya, pinababa ang bilang ng krimen, pinasigla ang koleksiyon ng buwis, pinasulong ang kaunlarang pang-ekonomiya, at pinaigting ang mga pagsisikap laban sa terorismo.

Si GMA ay naging economics professor sa Ateneo de Manila University at sa University of the Philippines, at chairperson ng Assumption College Department of Economics nang italaga siya ni Pangulong Aquino noong 1987 bilang trade and industry undersecretary at concurrent Garments and Textile Board executive director. Sa kanyang termino sa board ay napaunlad niya ang industriya ng local garments.

Nahalal siya sa Senado noong 1992 at pinangunahan ang eleksiyon nang kumandidato siya para sa isa pang termino noong 1995. Inakda niya ang 55 mahahalagang batas , kabilang na ang Export Development Act (RA 7844), ang Bank Entry Liberalization Law (RA 7721), ang batas na nagtatatag sa Philippine Economic Zone Authority (RA 7916), ang Anti-Sexual Harassment Act (RA 7877), at ang Loans for Women’s Microentreprises (RA 7882).

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nahalal na Bise Presidente noong 1998, pinamunuan niya ang Department of Social Welfare and Development. Kasunod ng impeachment proceedings laban kay Pangulong Joseph E. Estrada, iniluklok siya bilang pangulo noong Enero 20, 2001, at nahalal para sa buong anim na taong termino noong 2004. Matapos ang pagkapresidente, nahalal siya sa Kamara de Representantes noong Mayo 10, 2010. Kumakandidato siya ngayon, nang walang katunggali, para sa ikatlong termino bilang kinatawan sa Kamara ng ikalawang distrito ng Pampanga, sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Nag-aral si GMA ng international trade sa Georgetown University sa Washington, DC, noong 1964-66. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Economics, magna cum laude, sa Assumption Convent noong 1968. Nagtamo siya ng Master’s degree in Economics sa Ateneo de Manila University noong 1978, at Doctorate in Economics mula sa University of the Philippines noong 1985. Tumanggap din siya ng mga honorary degree mula sa Waseda University ng Japan, Kyungsung University ng South Korea, La Trobe University ng Australia, at sa University of San Francisco at Fordham University.

Kabilang sa mga parangal sa kanya ang: Grand Cordon of the Order of Chrysanthemum mula sa Japan, Don Quixote de la Mancha award ng Spain, at ang Order of Merit of Duarte, Sanchez, and Mella ng Dominican Republic. Napabilang din siya sa listahan ng World’s 100 Most Powerful Women in 2005 at 2006 ng Forbes Magazine, sa Asia’s Most Powerful Women ng AsiaWeek, at napiling Woman of the Year ng Catholic Educational Association of the Philippines. Kasal siya sa abogado at negosyanteng si Jose Miguel T. Arroyo.