Nilinaw ng Partido Magdalo, na binubuo ng mahigit 500,000 miyembro sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na ang tambalan nina Senator Grace Poe at Antonio Trillanes IV ang kanilang sinusuportahan sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, walang katotohanan ang mga lumabas na ulat na si Senator Francis Escudero ang kanilang pambato sa pagka-bise presidente.
“Gustong linawin ng aming grupo na si Grace Poe ang aming sinusuportahan sa pagka-presidente at si Antonio Trillanes IV naman sa pagka-bise presidente,” ayon kay Alejano.
Ang Magdalo ay kinabibilangan ng mga sundalo na pinangunahan ni Trillanes sa pag-aaklas laban sa gobyerno ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Subalit nitong mga nakaraang taon, lumobo ang hanay ng Magdalo dahil maging ang mga pangkaraniwang sibilyan ay sumama sa grupo upang isulong ang reporma na sinimulan ng grupo ni Trillanes.
Ang Magdalo rin ang nagsulong sa kandidatura ni Trilanes habang nakakulong ito at nanalo ng puwesto sa Senado sa ikalawang pagtakbo nito. (Leonel Abasola)