TAGAYTAY CITY -- Akyatin man o palusong ang daanan, siniguro ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance na tatahakin niya ang pedestal ng tagumpay.

Naitala ng 30-anyos mula sa Marikina City ang ‘back-to-back’ stage victory nang angkinin ang 20 km. Individual Time Trial Stage 2 ng LBC Ronda Pilipinas kahapon para patatagin ang kampanya na makamit ang ikalawang leg title sa prestihiyosong bike marathon sa bansa.

“Hindi ko mapigilan eh! Parang awtomatiko ang mga paa ko sa pagpadyak, walang kapaguran,” pahayag ni Morales, nagtala ng tyempong 36 minuto at 08.60 segundo.

Pumangalawa ang kasangga niyang si Jhon Mark Camingao (36:38.70) at pangatlo si Rustom Lim ng Team LBC/MVPSF (36:44.80), ang pinakamahigpit na karibal ng Navymen sa overall team competition. Sumampa sa ikaapat na puwesto si Ronald Lomotos ng LBC (36:52.60) at kinumpleto ni Joel Calderon ng Navy (37:52.70) ang top 5.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nabahiran naman ng trahedya ang karera nang masalpok ng isang tricyle ang bisikleta ng tinaguriang “Wonder Boy” na si Ranlean Maglantay mula sa Koronadal, South Cotabato.

Nagtamo ng sugat sa katawan ang 18-anyos na miyembro ng Team LBC nang tumilapon sa kanyang bisikleta matapos mabangga ng tricyle na binalewala ang inilagay na ‘safety barrier’ at nagpumilit pa ring tumawid sa daanan ng karera.

Nasa mabuting kalagayan si Maglantay, ngunit hindi na ito nakapagpatuloy sa karera. Nahaharap naman sa asunto ang walang modong driver ng naturang tricyle.

Bunsod ng ikalawang araw na dominasyon ni Morales – ikaapat na leg sa torneo -- nakapagtipon siya ng 30 puntos para sa overall jersey, 12 puntos sa sprint category o green jersey at local hero o yellow jersey. Gayunman, isusuot ni Rudy Roque ng Navy ang green jersey bilang ikalawa habang si Rustom Lim ang magsusuot ng yellow jersey.

Hawak ni Morales ang kabuuang 1:44:13.97 oras para patatagin ang kampanya na masungkit ang ikalawang leg title, gayundin ang overall champion sa torneo na inorganisa ng LBC Express at sanctioned ng PhilCycling sa

pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX.

Magtutungo naman ang karera sa Antipolo City para sa isasagawang Stage Three criterium bukas bago magtungo sa Dagupan City para sa Stage Four at sa ikalima at panghuling criterium na Stage Five na iikot sa malamig na lugar ng Baguio City. (ANGIE OREDO)