MULING nakuha ng GMA Network ang korona bilang number one TV network sa bansa bunga ng mas malakas nitong performance sa Urban Luzon at Mega Manila base sa datos ng Nielsen TV Audience Measurement.

Sa kabuuan ng Marso (base sa overnight data ang Marso 20 hanggang 31), nakapagtala ang GMA ng 36.6 percent household audience share sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM) ratings, sapat para talunin ang 36.1 percent ng ABS-CBN at 8.2 percent ng TV5.

Maging nitong nakaraang Semana Santa (simula Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria), mas maraming manonood ang tumutok sa GMA sa lahat ng daypart kabilang ang primetime. Umabot ng 44.1 percent ang audience share ng GMA sa NUTAM, na higit na mas mataas sa 30.1 percent ng ABS-CBN at 6 percent ng TV5.

Pelikula

Hello, Love, Again, kumita ng ₱85M sa unang araw!

Dagdag pa rito, ang Holy Week special na The Ten Commandments ang nakakuha ng pinakamataas na rating sa lahat ng mga programa at specials na umere sa NUTAM, Urban Luzon, at Mega Manila sa nasabing buwan.

Mas marami ring programa ang GMA na kasama sa listahan ng top programs at specials sa tatlong area.

Samantala, pasok sa top 5 ng listahan ng regular programs sa NUTAM, Urban Luzon, at Mega Manila ang Lip Sync Battle Philippines na patuloy na tinututukan ng Kapuso viewers tuwing Sabado ng gabi.

Nakapagtala rin ng mataas na rating ang ilan pang kaka-launch lamang na programa ng GMA tulad ng Poor Señorita, Hanggang Makita Kang Muli, at The Millionaire’s Wife.

Patuloy rin sa pangunguna ang GMA sa lahat ng daypart sa Urban Luzon at Mega Manila kung saan matatagpuan ang 77 at 60 percent ng lahat ng urban TV households sa bansa.

Nasa 41.5 percent ang audience share ng GMA sa Urban Luzon, daig ang 31 percent ng ABS-CBN at 7.3 percent ng TV5.

Lalo ring lumaki ang lamang ng GMA sa ibang network sa Mega Manila sa naitala nitong 43.2 percent kumpara sa mas mababang audience share ng ABS-CBN na 28.2 percent at ng TV5 na 7.7 percent.