KUNG tutuusin, parang ganap na nagantimpalaan na ng mamamayang Pilipino ang Pamilyang Aquino, na dumanas ng pang-aapi noong panahon ni ex-Pres. Marcos. Si ex-Sen. Ninoy Aquino, na kalabang mortal sa pulitika ni Marcos, ay ikinulong at sinikil ang kalayaan sa loob ng maraming taon. Dalawang Aquino, sina Tita Cory at PNoy, ay naging mga Pangulo ng bansa.
Noong Martial Law (1972) hanggang sa huling mga araw ng 1986 (People Power Revolt), nakisimpatiya ang mga Pinoy sa Aquino Family laban sa Marcos Family na humantong sa pagkakaluklok ni Cory Aquino, na kung tawagin noon ni Apo Macoy ay “mere housewife”, bilang pangulo ng bansa.
Hindi lang si Tita Cory ang napadpad sa Malacañang. Pati mga kamag-anak niya ay inihalal ng taumbayan habang dinudusta nila ang Marcos Family dahil sa pagsupil sa kalayaan, pagkitil sa demokrasya, pagpapasara sa Kongreso, panggigipit sa mga kalaban sa pulitika, pagpapakandado sa media, at ginawang tuta ang Supreme Court. Namayani noon ang mga Sumulong at Tanjuatco sa Rizal, at Aquino-Oreta sa Malabon. Nahalal pang senador sina Butch Aquino at Tessie Aquino-Oreta.
***
By the way, maraming naniniwala na may bisa pa at hindi “kiss of death” ang endorsement ni PNoy. Maging si Manila Liberal Party vice mayoralty bet Benjamin “Atong” Asilo ay ganito ang paniniwala. Malaki pa rin daw ang maitutulong ni PNoy sa mga lokal na kandidato ng LP upang manalo, gaya ng pag-endorso nito kina Alfredo Lim at Asilo sa proclamation rally sa Plaza Miranda.
Dumalo sa proklamasyon sina Aquino, ex-DILG Sec. Mar Roxas at CamSur Rep. Leni Robredo. Dahil mataas pa rin ang trust rating ni PNoy sa mga survey ng Pulse Asia at SWS, kahit malapit nang matapos ang kanyang termino ay may “bagsik” pa raw ang endorsement niya para sa mga lokal na kandidato.
Isinusulong ni Cong. Atong ang pagkakaloob ng P2,000 sa bawat senior citizen sa Maynila at pagpapatayo ng City College sa bawat distrito, at konstruksiyon ng housing condo. Si Asilo, anak ng isang tindera sa Pritil Market at tinaguriang Pambato ng Tondo na naglingkod bilang kagawad, chairman, konsehal, at kinatawan, ay ka-tandem ni ex-Mayor Alfredo S. Lim. Sa totoo lang, si Lim ay tubong San Miguel, Bulacan.
***
Samantala, ang karahasan at pagkamatay ng ilang magsasaka sa Kidapawan City kamakailan ay parang REPEAT, ‘ika nga, ng Mendiola Massacre sa panahon ni ex-Pres. Cory Aquino. Ngayon, sa pagbaril ng mga pulis sa grupo ng mga magsasaka na nanghihingi lang ng matitibay na binhi (drought-resistant) ng palay at gulay, dahil nangatutuyo ang kanilang pananim bunsod ng El Niño, ay bala, sa halip na binhi, ang ibinigay daw sa kanila (ayon sa mga netizen)!
(Bert de Guzman)