Itinanggi ngayon ng Pulse Asia na sila ang gumawa ng survey noong Marso 21-25 na nagpapakitang nangunguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga kandidato sa pagkapangulo.

Ipinaskil sa social media account na “Pompee La Vinia Duterte 2016” na nakakuha si Duterte ng 26 na porsiyento sa naturang survey sa mga presidentiable, na sinagutan ng 4,000 respondent.

Lumitaw din sa ulat na si Duterte ay sinundan ni Partido Galing at Puso standard bearer Sen. Grace Poe na nakakuha ng 24 na porsiyento, Liberal Party bet Mar Roxas na may 21 porsiyento, at United Nationalist Alliance (UNA) bet Vice President Jejomar Binay na may 19 na porsiyento.

Ang kuwestiyonableng survey result ay nai-share nang 1,300 beses at umani ng 1,500 “Like” sa Facebook hanggang kahapon.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi ng Pulse Asia na “hindi namin ginawa ang survey na ‘yan at hindi kami nagsasagawa ng survey kung Semana Santa, lalo na kung Huwebes Santo at Biyernes Santo.”

Ayon sa Pulse Asia, ang huling survey na kanilang isinagawa ay noong Marso 15-20.

Nabibilang ito sa maraming beses ng pamemeke na napupuna ng publiko na ginagawa ng kampo ni Duterte para palitawing ang alkalde ang nangunguna sa kampanya para sa panguluhan. (Beth Camia)