Matapos iendorso ang kandidatura sa pagkapangulo ng kanyang inaanak na si Sen. Grace Poe, naniniwala si Manila Mayor Joseph Estrada na may kamandag pa rin ang tinaguriang “Erap Magic” na magpanalo ng mga susuportahan niya sa eleksiyon sa Mayo 9.

Umaasa si Estrada, na nahalal na Pangulo noong 1998 subalit napatalsik sa puwesto matapos ang tatlong taon, na maipapanalo ng masang Pilipino si Poe at ang vice presidential bet na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“I hope so. Sana, para makatulong ako kay Grace Poe dahil siya ang nararapat na maging pangulo,” ani Estrada.

Personal na nagtungo si Poe sa enggrandeng proclamation rally ni Estrada, na kandidato sa ikalawang termino bilang alkalde ng Maynila, upang pasalamatan ang kanyang ninong sa suportang ipinagkaloob nito.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Umabot sa 40,000 tagasuporta ni Estrada ang dumalo sa Liwasang Bonifacio bagamat lumutang ang balita na marami sa mga ito ay “hakot” ng city hall.

“Alam n’yo na maganda ang background ni Grace. Tapos siya ng political science sa Boston College... those are among the factors that make her number one in the race. She’s very learned,” giit ni Estrada.

Si Poe ay anak ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr., na itinuturing ni Estrada bilang matalik na kaibigan.

(Jenny F. Manongdo)