LOS ANGELES (AP) – Kabilang sina Demi Lovato at Caitlyn Jenner sa mga pinarangalan sa 27th GLAAD Media Awards.

Kinikilala nito ang mga nagsusulong ng misyon ng GLAAD na maiparating, sa pamamagitan ng media, ang mga kuwento ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) community.

Iginawad kay Demi ang Vanguard Award, na tinanggap niya mula kay Nick Jonas sa seremonya nitong Sabado sa Beverly Hills.

Pinili ang singer dahil sa kanyang adbokasiya para sa ganap na pagtanggap sa LGBT community. Nailahad na ni Demi ang tungkol sa kanyang yumaong lolo, na umaming bading noong 1960s, at ginawa nito ang music video para sa awitin niyang Really Don’t Care sa L.A. Pride festival.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Pinarangalan naman ang E! Entertainment Television reality series ni Caitlyn na I Am Cait bilang outstanding reality program. Isinilang na Bruce Jenner, inialay ni Caitlyn ang parangal sa transgender YouTube personality na si Jazz Jennings, na bida naman sa show na I Am Jazz sa TLC.

Nasa ikalawang season na ang I Am Cait sa E! network.

Bukod kina Demi at Caitlyn, pinarangalan din ang pelikulang Carol, ang Amazon Instant Video Series na Transparent, ang HBO film na Bessie (pinagbibidahan ni Queen Latifah), at ang Sense8 ng Netflix, na kasamang bumuo ang transgender director na si Lilly Wachowski.

Nitong nakaraang buwan lang inamin ni Wachowski na siya ay transgender, ilang taon matapos aminin ng kapatid niyang babae na si Lana Wachowski na transgender ito. Ang magkapatid ang nasa likod ng Matrix film trilogy.